Ang salawikain o kasabihan ay mga salitang Pilipino na katumbas sa English ay "proverb". Ito ay mga maiiksing pangungusap na lubhang makahulugan at naglalayong magbigay patnubay sa pamumuhay. Ito ay mga kasabihan na minana pa natin sa ating mga ninuno kaya kadalasan ang mga ito ay tumatalakay ayon sa kanilang mga karanasan at pag-uugali nuong mga unang panahon. Patuloy pa rin itong pinalalaganap ng mga nakatatanda upang imulat at turuan ang mga nakakabata ukol sa angkop na pagkilos, tamang pag-uugali, mabuting pakikitungo sa kapwa.
Ang sumusunod ay iilan lamang na mga halimbawa:
1. Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
- Kahulugan: Sa tinagal-tagal man ng samahan ng magkasintahan, sa bandang huli ay humahantong din ito sa kasalan.
2. Kung hindi ukol, hindi bubukol.
- Kahulugan: Ang swerte sa buhay ay huwag asahang makakamtan kung hindi nakalaan para sa iyo.
3. Ang taong nagigipit, sa patalim man ay kumakapit.
- Kahulugan: Ang taong nagigipit kung minsan ay napipilitang gumawa ng mapangahas na bagay kahit na mapanganib.
4. Pagmakitid ang kumot, magtiis kang mamaluktot.
- Kahulugan: Kung nakakaranas ng kakulangan sa buhay ang isang tao, dapat siyang mamuhay ng naaayon sa kanyang kakayahan.
5. Nasa tao ang gawa nasa Diyos ang awa.
- Kahulugan: Hindi sapat na tayo ay humingi ng awa sa Diyos, kailangan din natin na pag-ukulan ng sikap at gawa upang matamo ang mimithing biyaya.
6. Kung ano ang puno, siya ang bunga.
- Kahulugan: (Paghahambing sa anak sa kanyang mga magulang) kung ano man ang pag-uugali ng magulang, kalimitan ay ganoon din ang pag-uugali ng kanyang anak mabuti man o masama.
7. Lahat ng gubat ay may ahas.
- Kahulugan: Kahit saang lipunan ay may taong mapangahas at traydor na nakasisira sa bawat isa.
8. Magkulang ka na sa magulang huwang lamang sa iyong biyenan.
- Kahulugan: Payo ng nakatatanda sa may asawa na mas pakitunguhan ang biyenan kaysa magulang dahil ang magulang ay nakaiintindi sa kanyang anak samantala ang biyenan kalimitan ay hindi lalo na't hindi sang-ayon sa napangasawa ng anak niya.
9. Kung ano ang itinanim, ay siyang aanihin.
- Kahulugan: Kung ano ang ginawa mo sa kapwa ay kadalasang ganun din ang gagawin sa iyo.
10. Kapag ang tao’y matipid, maraming maililigpit.
- Kahulugan: Kung ikaw ay marunong sa buhay, di ka nagigipit.
No comments:
Post a Comment