Showing posts with label Mga Tula. Show all posts
Showing posts with label Mga Tula. Show all posts

2.09.2011

Ang Awit ni Maria Clara

Walang kasintamis ang mga sandali sa sariling bayan,
Doon sa ang lahat ay pinagpapala ng halik ng araw,
May buhay na dulot ang mahinhing simoy na galing sa parang.
Pagsinta'y matimyas, at napakatamis ng kamatayan man.

Maapoy na halik, ang idinarampi ng labi ng ina
Paggising ng sanggol sa kanyang kandungan na walang balisa,
Pagkawit sa leeg ng bisig na sabik pa-uumaga na,
Matang manininging ay nangakangiti't pupos ng ligaya.

Mamatay ay langit kung dahil sa ating lupang tinubuan,
Doon sa ang lahat ay pinagpapala ng halik ng araw,
Ang mahinhing simoy ns galing sa bukid ay lubhang mapanglaw
Sa wala nang ina, wala nang tahana't walang nagmamahal.
Huling Paalam

Paalam, bayan kong minamahal
lupa mong sagana sa sikat ng araw;
Edeng paraiso ang dito'y pumanaw
at Perlas ng dagat sa may Silanganan.

Buong kasiyahang inihahain ko
kahiman aba na ang buhay kong ito.
maging dakila ma'y alay rin sa iyo
kung ito'y dahil sa kaligayahan mo.

Ang nakikilabang dumog sa digmaan
inihahandog din ang kanilang buhay.
kahit kahirapa'y hindi gunamgunam
sa kasawian man o pagtatagumpay.

Maging bibitaya't, mabangis na sakit
o pakikilabang suong ay panganib
titiising lahat kung siyang nais
ng tahana't bayang aking iniibig.

Mamamatay akong sa aking pangmalas
silahis ng langit ay nanganganinag
ang pisgni ng araw ay muling sisikat
sa kabila nitong malamlam na ulap.

Kahit aking buhay, aking hinahangad
na aking ihandog kapag kailangan
sa ikaririlag ng yong pagsilang
dugo ko'y ibubo't kulay ay kuminang

Mulang magkaisip at lumaking sukat
pinangarap ko sa bait ay maganap;
ikaw'y mamasdan kong marikit na hiyas
na nakaliligid sa silangan dagat.

Sa bukas ng mukha'y, noo'y magniningning
sa mata'y wala nang luhang mapapait
wala ka ng poot, wala ng ligalig
walang kadungua't munti mang hilahil.

Sa aba kong buhay, may banal na nais
kagaling'y kamtan nang ito'y masulit
ng aking kaluluwang handa nang umalis
ligaya'y angkin mo, pagkarikit-dikit.

Nang ako'y maaba't, ikaw'y napataas,
ang ako'y mamatay nang ikaw'y mabigyan
ng isang buhay na lipos ng kariktan
sa ilalim ng langit ikaw ay mahimlay.

Kung sa ibang araw, mayroon kang mapansin
sa gitna ng mga damong masisinsin
nipot na bulaklak sa ibabaw ng libing
ito'y halikan mo't, itaos sa akin.

Sa bango ng iyong pagsuyong kay tamis
pagsintang sa dibdib may tanging angkin
hayaang noo ko'y tumanggap ng init
pagka't natabunan ng lupang malamig.

Hayaang ang buwan sa aki'y magmasid
kalat na liwanag, malamlam pa mandin;
Hayaang liwayway ihatid sa akin
ang banaag niyang dagling nagmamaliw.

Hayaang gumibik ang simoy ng hangin
hayaan sa himig masayang awitin
ng ibong darapo sa kurus ng libing
ang payapang buhay ay langit ng aliw.

Hayaang ang araw na lubhang maningas
gawing parang ulap sa patak ng ulan
maging panganorin sa langit umakyat
ang mga daing ko'y kasama't kalangkap.

Hayaang ang aking madaling pagpanaw
iluha ng mga labis na nagmahal
kapag may nag-usal sa akin ng dasal
ako'y iyo sanang idalangin naman.

Ipagdasal mo rin mga kapuspalad,
mga nangamatay pati naghihirap
mga dusa't sakit ina'y tumatanggap
ng tigib ng lungkot at luhang masaklap.

Ipagdasal mo rin mga naulila
at nangapipiit sakbibi ng diwa;
ipagdasal mo rin tubusing talaga
ang pagka-aliping laging binabata.

Kapag madilim na sa abang libingan
at nilalambungan ang gabing mapanglaw
walang nakatanod kundi pulos patay
huwag gambalain, ang katahimikan.

Magbigay-pitagan sa hiwagang lihim
at mauulinig wari'y mga tinig
ng isang salteryo, ito'y ako na rin
inaawitan ka ng aking pag-ibig.

Kung nalimutan na yaring aking libing
kurus man at bato'y wala na rin mandin
bayaang sa bukid lupa'y bungkalin
at ito'y isabong sa himpapawirin.

Limutin man ako'y di na kailangan
aking lilibuting iyong kalawakan
at dadalhin ako sa 'yong kaparangan
magiging taginting yaring alingawngaw.

Ang samyo, tinig at himig na masaya
kulay at liwanag may lugod sa mata
paulit-ulitin sa tuwi-tuwina
ang aking taimtim na nasa't pag-asa.
Sa Sanggol Na Si Jesus

O Diyos na Sanggol, paano ba kaya't
Ang sinilangan Mo ay sabsabang aba?
Diyata't di pa man ay pag-alipusta
Ang dulot ng Palad sa Iyong pagbaba?

Kaylungkot! O hari ng Sangkalangitan,
Nagkatawang-tao't sa lupa'y tumahan,
Hindi Mo ba ibig na Haring matanghal
Kundi Pastol namin na kawan Mong mahal?
Awit Ng Manlalakbay

Kagaya ng dahong nalanta, nalagas,
Sinisiklut-siklot ng hanging marahas;
Abang manlalakbay ay wala nang liyag,
Layuin, kalulwa't bayang matatawag.

Hinahabul-habol yaong kapalarang
Mailap at hindi masunggab-sunggaban;
Magandang pag-asa'y kung nanlalabo man,
Siya'y patuloy ring patungo kung saan!

Sa udyok ng hindi nakikitang lakas,
Silanga't Kanlura'y kanyang nililipad,
Mga minamahal ay napapangarap,
Gayon din ang araw ng pamamanatag.

Sa pusod ng isang disyertong mapanglaw,
Siya'y maaaring doon na mamatay,
Limot ng daigdig at sariling bayan,
Kamtan nawa niya ang kapayapaan!

Dami ng sa kanya ay nangaiinggit,
Ibong naglalakaby sa buong daigdig,
Hindi nila tanto ang laki ng hapis
Na sa kanyang puso ay lumiligalig.

Kung sa mga tanging minahal sa buhay
Siya'y magbalik pa pagdating ng araw,
Makikita niya'y mga guho lamang
At puntod ng kanyang mga kaibigan.

Abang manlalakbay! Huwag nang magbalik,
Sa sariling baya'y wala kang katalik;
Bayaang ang puso ng iba'y umawit,
Lumaboy kang muli sa buong daigdig.

Abang manlalakbay! Bakit babalik pa?
Ang luhang inyukol sa iyo'y tuyo na;
Abang manlalakbay! Limutin ang dusa,
Sa hapis ng tao, mundo'y nagtatawa.
Sa Mga Bulaklak Ng Heidelberg

Pumaroon kayo sa mutya kong bayang pinakamamahal,
O mga bulaklak na hasik sa landas niyong manlalakbay,
At doon, sa silong ng maaliwalas na langit na bughaw,
Sa mga mahal ko'y di nagpapabaya't laging nagbabantay,
Inyong ibalita itong pananalig na sa puso'y taglay
Ng abang lagalag na di lumilimot sa nilisang bayan.

Pumaroon kayo, inyong ibalitang madilim-dilim pa,
Kung kayo, sa bati ng bukang-liwayway, ay bumubukad na,
Sa pampang ng Neckar na lubhang malamig ay naroon siya,
At sa inyong tabi'y inyong namamasid na parang estatuwa,
Ang Tagsibol doong hindi nagbabago'y binubulay niya.

Inyong ibalitang kung sinisingil na ng bukang-liwayway
Ang buwis na bango ng inyong talulot pag ngiti ng araw,
Habang bumubulong ang bagong umagang halik ang kasabay
Ng "Kung inyo lamang nababatid sana yaring pagmamahal!"
Siya'y may bulong ding inaawit-awit sa katahimikan,
Kundiman ng puso na sa kanyang wika'y inyong napakinggan.

At kung sa taluktok niyong Koenigsthul ay humahalik na
Ang mapulang labi ng anak ng araw sa pag-uumaga,
At ang mga lambak, gubat at kahuya'y binubusog niya
Sa daloy ng buhay na dulot ng sinag na malahininga,
Yaong manlalakbay ay bumabati ring puspos ng ligaya
Sa araw, na doon sa sariling baya'y laging nagbabaga.

At ibalita rin na nang minsang siya'y naglalakad-lakad
Sa pampang ng Neckar ay pinupol kayo sa gilid ng landas,
Doon sa ang tanod ay ang mga guhong bakas ng lumipas,
Na nalililiman ng maraming punong doo'y naggugubat.

Ibalita ninyo kung paanong kayo'y marahang pinupol,
Pinakaingatang huwag masisira ang sariwang dahon,
At sa kanyang aklat ay ipinaloob at doon kinuyom,
Aklat ay luma na, datapuwa't kayo'y naroon pa ngayon.

Hatdan, hatdan ninyo, O pinakatanging bulaklak ng Rin,
Hatdan ng pag-ibig ang lahat ng aking nga ginigiliw,
Sa bayan kong sinta ay kapayapaan ang tapat kong hiling,
Sa kababaihan ay binhi ng tapang ang inyong itanim;
Pagsadyain ninyo, O mga bulaklak, at inyong batiin
Ang mga mahal kong sa tahanang banal ay kasama namin.

At pagsapit ninyo sa dalampasigan ng bayan kong irog,
Bawa't halik sanang idinarampi ko sa inyong talulot
Ay inyong isakay sa pakpak ng hanging doo'y lumilibot,
Upang sa lahat nang iginagalang ko't sinisitang lubos
Nawa'y makasapit ang halik ng aking pag-ibig na taos.

Maaaring doo'y makarating kayong taglay pa ang kulay,
Subali't ang bango'y wala na marahil at kusang pumanaw,
Wala na ang samyong sa talulot ninyo'y iningatang yaman,
Pagka't malayo na sa lupang sa inyo'y nagbigay ng buhay;
Iwing halimuyak ang inyong kaluluwa, at di malilisan
Ni malilimot pa ang langit na saksi nang kayo'y isilang.
Kundiman

Tunay ngayong umid yaring dila't puso
Sinta'y umiilag, tuwa'y lumalayo,
Bayan palibhasa'y lupig at sumuko
Sa kapabayaan ng nagturong puno.

Datapuwa't muling sisikat ang araw,
Pilit maliligtas ang inaping bayan,
Magbabalik mandin at muling iiral
Ang ngalang Tagalog sa sandaigdigan.

Ibubuhos namin ang dugo't babaha
Matubos nga lamang ang sa amang lupa
Habang di ninilang panahong tadhana,
Sinta'y tatahimik, iidlip ang nasa.
Ang Ligpit kong Tahanan

Sa tabi ng dagat na humahalik pa sa tiping buhangin,
Malapit sa paa ng bundok na pelus kung pagmamalasin,
Ang munti kong kubo'y doon itinirik, sa saganang lilim
Ng mga halamang nakikipaglaro sa ihip ng hangin.
Aking dinudulang sa katabing gubat na masalimisim
Ang katiwasayang panlunas sa hapong isip ko't damdamin.

Ang atip ng bubong ay hamak na pawid, sahig ay kawayan,
Magaspang na kahoy ang mga haligi, pingga at tahilan,
Sa kubo kong ito ay walang bahangin may kahalagahan,
Lalong mabuti pa ang doon humilig sa lunting damuhan
Na abot ng bulong at awit ng dagat sa dalampasigan.

Doon ay may batis na umaawit pa habang naglalagos
Sa mga batuhan, magmula sa gubat sa may dakong likod;
Batis ay nagsanga sa tulong ng isang magaspang na tungkod,
kung gabing tahimik ay may bulong siyang nakapag-aantok,
At kung araw naman, ang langit ay parang ibig na maabot.

Kung ang kalangita'y payapang-payapa, agos ay banayad,
Panay ang taginting ng kanyang gitarang hindi namamalas,
Pagbagsak ng ulan, ang tulin ng agos ay walang katulad,
Humahagunot pa sa nangaghambalang na batong malapad,
Sa di mapipigil na kanyang pagtakbong patungo sa dagat.

Palahaw ng aso at awit ng ibon, at sigaw ng kalaw,
Ang ingay na tanging siyang bumabasag sa katahimikan;
Doo'y di kilala ang tinig ng taong palalo't mayabang
Na susunu-sunod sa nasang guluhin ang aking isipan;
Ako'y naliligid ng katabing dagat at ng gubat lamang.

Ang dagat, ah, ito ay siya ngang lahat kung para sa akin,
Kung dumadaluhong mula sa di tanaw na mga pampangin,
Sa akin, ang kanyang ngiti kung pananalig ko'y parang
nagmamaliw,
At kung dapit-hapong ang pananalig ko'y parang nagmamaliw,
Siya ay may bulong na inihahatid sa akin ng hangin.

Pagdating ng gabi, dakilang palabas ng kahiwagaan,
Malaking liwanag ng mumunting kislap na hindi mabilang
Ang doon sa langit ay nakalaganap sa kaitaasan;
Habang dinadalit niyong mga alon ang saklap ng buhay,
Dalit na malabo pagka't nilulunod ang sariling ingay.

Isinasalaysay ang ayos ng mundo nang unang sumikat
Ang araw sa langit, at sila'y laruin ng kanyang liwanag;
Nang mula sa wala'y dami ng kinapal ang biglang kumalat
Sa kailaliman, at sa kapatagan, magpahanggang gubat,
Sa lahat ng dako na abot ng halik ng mayamang sinag.

Nguni't kung sa gabi'y magising ang hanging malikot, mailap,
At ang mga alon, sa galit na dala'y susugod, lulundag,
Mayrong mga siagaw na sa aking puso'y nagbibigay-sindak
, Mga tinig waring nagsisipagdasal, o nag sisiiyak,
Nagsisipanaghoy sa kailalimang kadilima'y ganap.

At saka uugong ang marahang taghoy na mula sa bundok,
Mga punungkahoy at ang mga damo'y nagsisipangatog,
Pati mga pastol ay nababalisa't pawang mga takot,
Sapagka't, anila, ang mga kalulwa'y noon sumisipot
At nag-aanyayang sa kanilang handa sila ay dumulog.

Gabi'y bumubulong sa gitna ng sindak at pagkaligalig,
At sa dagat nama'y bughaw't lunting apoy ang pasilip-silip;
Pag ngiti ng araw'y payapa na naman ang buong paligid,
At mula sa laot, yaong mangingisda ay napagigilid,
Sugod na ang lunday at ang mga alon ay nananahimik.

Ganyan ang buhay ko sa aking payapa't ligpit na tahanan;
Sa mundong nang dati ay kilala ako, ako'y pinapanaw,
Nasapit kong palad, sa ngayon ay aking binubulay-bulay;
Isang bato akong binalot ng lumot upanding matakpan
Sa mata ng mundo ang mga damdaming sa puso ay taglay.

Dahil sa naiwang mga minamahal, ako'y nangangamba,
Mga ngalan nila'y di ko nalilimot sa laot ng sigwa;
May nangagsilayo at mayroon namang nangagsipanaw na;
Nguni't sa lumipas kong hindi mapapaknit kahit agawin pa.

Kaibigan iyang sa lahat ng oras ay aking kapiling
Sa gitna ng lumbay ay nagpapasigla sa diwa't damdamin;
Sa gabing tahimik, siya'y nagtatanod at nananalangin,
Kasama-sama ko sa pagkakatapong malungkot isipan,
Upang kung manlaming ang pananalig ko ay papag-alabin.

Yaong pananalig na ibig ko sanang makitang kumislap
Sa dakilang araw ng pangingibabaw ng Isip sa lakas;
Kung makalipas na itong kamataya't labanang marahas,
Ay may ibang tinig, na lalong masigla at puspos ng galak,
Na siyang aawit ng pananangumpay ng matwid, sa lahat.

Aking natatanaw na namumula na ang magandang langit,
Gaya noong aking bukuin sa hagap ang una kong nais;
Aking nadarama ang dati ring hangin sa noong may pawis,
Nararamdam ko ang dati ring apoy na nagpapainit
Sa tinataglay kong dugong kabataang magulo ang isip.

Ang nilalanghap kong mga simoy dito'y nagdaan marahil
Sa mga ilugan at sa mga bukid niyong bayan namin;
Sa pagbalik nila ay kanila sanang ihatid sa akin
Ang buntong-hininga ng minamahal kong malayo sa piling,
Pahatid na mula sa pinagsanglaan ng unang paggiliw.

Kung aking mamasdan sa abuhing langit ang buwang marilag.
Nararamdaman kong ang sugat ng puso'y muling nagnanaknak;
Naaalaala ang sumpaan naming kami'y magtatapat,
Ang dalampasigan, ang bukid at saka arkong may bulaklak,
Ang buntong-hininga, ang pananahimik at ang piping galak.

Isang paruparong hanap ay bulaklak at saka liwanag,
Malalayong bayan ang lagi nang laman ng kanyang pangarap;
Musmos na musmos pa, tahana'y nilisa't ako ay lumayang,
Upang maglimayon, na ang diwa'y laya at walang bagabag - -
Ganyan ko ginugol ang mga pili kong panahon at oras.

At nang mapilitang ako ay bumalik sa dating tahanan,
Kagaya ng isang ibong nanghina na sa kapanahunan,
May nag bagong sigwang malakas, mabangis na parang
halimaw;
Ang mga pakpak ko'y nagkabali-bali't tahana'y pumanaw,
Ang aking tiwala'y ipinagkanulo't lahat na'y nagunaw.

Sa pagkakatapong malayo sa bayang pinakaiibig,
Ang hinaharap ko'y madilim na lubha't walang tatangkilik:
Pamuli na namang susungaw ang aking mga panaginip,
Tanging kayamanan ng kabuhayan kong sagana sa hapis;
Mga pananalig niyong kabataang matapat, malinis.

Dapwa't kung ikaw ma'y umaasa ngayong iyong makakamtan
Yaong gantimpalang hindi magmamaliw magpakailan man,
Hindi ka na paris ng dating magilas at buhay na buhay;
Sa hapis mong mukha'y may bakas na hindi mapagkakamalan
Yaong pananalig na dapat mahalin at ipagsanggalang.

At upang aliwin, handog mo sa aki'y mga panaginip,
Nagsaang panahon ng kabataan ko'y ipinasisilip;
Kaya nga salamat, O sigwang biyaya sa akin ng langit,
Alam mo ang oras na takdang pagpigil sa gala kong isip,
Upang ibalik mo sa pinanggalingang lupang iniibig.

Sa tabi ng dagat na humahalik pa sa tiping buhangin,
Malapit sa paa ng bundok na pelus kung pagmamalasin,
Aking nasumpungan ang isang tahanang sagana sa lilim,
Aking natuklasan sa katabing gubat na masalimsim
Ang katiwasayang panlunas sa hapong isip ko't damdamin.

Tula Ni Jose Rizal: Isang Alaala Ng Aking Bayan

Isang Alaala Ng Aking Bayan

Nagugunita ko ang nagdaang araw
ng kamusmusang kong kay sayang pumanaw
sa gilid ng isang baybaying luntian
ng rumaragasang agos ng dagatan;
Kung alalahanin ang damping marahan
halik sa noo ko ng hanging magaslaw
ito'y naglalagos sa 'king katauhan
lalong sumisigla't nagbabagong buhay

Kung aking masdan ang liryong busilak
animo'y nagduruyan sa hanging marahas
habang sa buhangin dito'y nakalatag
ang lubhang maalon, mapusok na dagat
Kung aking samyuin sa mga bulaklak
kabanguhan nito ay ikinakalat
ang bukang liwayway na nanganganinag
masayang bumabati, may ngiti sa lahat.

Naalaala kong may kasamang lumbay
ang kamusmusan ko nang nagdaang araw
Kasama-sama ko'y inang mapagmahal
siyang nagpapaganda sa aba kong buhay.
Naalaala kong lubhang mapanglaw
bayan kong Kalambang aking sinilangan
sa dalampasigan ng dagat-dagatan
sadlakan ng aking saya't kaaliwan

Di miminsang tumikim ng galak
sa tabing-ilog mong lubhang mapanatag
Mababakas pa rin yaong mga yapak
na nag-uunahan sa 'yong mga gubat
sa iyong kapilya'y sa ganda ay salat
ang mga dasal ko'y laging nag-aalab
habang ako nama'y maligayang ganap
bisa ng hanging mo ay walang katulad.

Ang kagubatan mong kahanga-hanga
Nababanaag ko'y Kamay ng Lumikha
sa iyong himlayan ay wala nang luha
wala nang daranas ni munting balisa
ang bughaw mong langit na tinitingala
dala ang pag-ibig sa puso at diwa
buong kalikasa'y titik na mistula
aking nasisinag pangarap kong tuwa.

Ang kamusmusan ko sa bayan kong giliw
dito'y masagana ang saya ko't aliw
ng naggagandahang tugtog at awitin
siyang nagtataboy ng luha't hilahil
Hayo na, bumalik ka't muli mong dalawin
ang katauhan ko'y dagling pagsamahin
tulad ng pagbalik ng ibon sa hardin
sa pananagana ng bukong nagbitin.

Paalam sa iyo, ako'y magpupuyat
ako'y magbabantay, walang paghuhumpay
ang kabutihan mo na sa aking pangarap
Nawa'y daluyan ka ng biyaya't lingap
ng dakilang Diwa ng maamong palad;
tanging ikaw lamang panatang maalab
pagdarasal kita sa lahat ng oras
na ikaw ay laging manatiling tapat.
SA MAHAL NA BIRHEN

Ikaw na ligaya ng tanang kinapal,
Mariang sakdal tamis na kapayapan,
Bukal ng saklolong hindi naghuhumpay,
Daloy ng biyayang walang pagkasyahan.

Mula sa trono mong langit na mataas,
Ako'y marapating lawitan ng habag,
Ilukob ang iyong balabal ng lingap
Sa daing ng aking tinig na may pakpak.

Ikaw na Ina ko, Maraing matimtiman;
Ikaw ang buhay ko at aking sandingan;
Sa maalong dagat, ikaw ang patnubay:

Sa oras ng lalong masisidhing tukso,
At kung malapit na ang kamatayan ko,
Lumbay ko'y pawiin, saklolohan ako!

Sa Kabataang Pilipino

Sa Kabataang Pilipino
Itaas ang iyong noong aliwalas
ngayon, Kabataan ng aking pangarap!
ang aking talino na tanging liwanag
ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas!

Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan
magitang na diwang puno sa isipan
mga puso nami'y sa iyo'y naghihintay
at dalhin mo roon sa kaitaasan.

Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw
na mga silahis ng agham at sining
mga Kabataan, hayo na't lagutin
ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan ang putong na lubhang makinang
sa gitna ng dilim ay matitigan
maalam na kamay, may dakilang alay
sa nagdurusa mong bayang minamahal.

Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais
kagyat na lumipad sa tuktok ng langit
paghanapin mo ang malambing na tinig
doon sa Olimpo'y pawang nagsisikap.

Ikaw na ang himig ay lalong mairog
Tulad ni Pilomel na sa luha'y gamot
at mabisang lunas sa dusa't himuntok
ng puso at diwang sakbibi ng lungkot

Ikaw, na ang diwa'y makapangyarihan
matigas na bato'y mabibigyang-buhay
mapagbabago mo alaalang taglay
sa iyo'y nagiging walang kamatayan.

Ikaw, na may diwang inibig ni Apeles
sa wika inamo ni Pebong kay rikit
sa isang kaputol na lonang maliit
ginuhit ang ganda at kulay ng langit.

Humayo ka ngayon, papagningasin mo
ang alab ng iyong isip at talino
maganda mong ngala'y ikalat sa mundo
at ipagsigawan ang dangal ng tao.

Araw na dakila ng ligaya't galak
magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas
purihin ang bayang sa iyo'y lumingap
at siyang nag-akay sa mabuting palad.
Pinatutula Ako

Iyong hinihiling, lira ay tugtugin
bagaman sira na't laon nang naumid
ayaw nang tumipa ang nagtampong bagting
pati aking Musa ay nagtago narin.

malungkot na nota ang nasnaw na himig
waring hinuhugot dusa at hinagpis
at ang alingawngaw ay umaaliwiw
sa sarili na ring puso at damdamin.
kaya nga't sa gitna niring aking hapis
yaring kalul'wa ko'y parang namamanhid.

Nagkapanahon nga ... kaipala'y, tunay
ang mga araw na matuling nagdaan
nang ako sa akong Musa'y napamahal
lagi na sa akin, ngiti'y nakalaan.

ngunit marami nang lumipas na araw
sa aking damdamin alaala'y naiwan
katulad ng saya at kaligayahan
kapag dumaan na'y may hiwagang taglay
na mga awiting animo'y lumulutang
sa aking gunitang malabo, malamlam.

Katulad ko'y binhing binunot na tanim
sa nilagakan kong Silangang lupain
pawang lahat-lahat ay kagiliw-giliw
manirahan doo'y sayang walang maliw.

ang bayan kong ito, na lubhang marikit
sa diwa't puso ko'y hindi mawawaglit
ibong malalaya, nangagsisiawit
mulang kabundukan, lagaslas ng tubig
ang halik ng dagat sa buhangin mandin
lahat ng ito'y, hindi magmamaliw.

Nang ako'y musmos pa'y aking natutuhang
masayang batiin ang sikat ng araw
habang sa diwa ko'y waring naglalatang
silakbo ng isang kumukulong bulkan.

laon nang makata, kaya't ako nama'y
laging nagnanais na aking tawagan
sa diwa at tula, hanging nagduruyan:
"Ikalat mo lamang ang kanyang pangalan,
angking kabantugan ay ipaghiyawan
mataas, mababa'y, hayaang magpisan".

Mga Tula ni Jose Rizal








11.26.2008

Mga Tula (Poems)

Ang Tahanan

Bayan ang aking tahanan na
pugad ng tuwa’t aliw,
na siya kong tinirahan mulang
ako ay lalangin.

Diyan ako inaruga, pinalaki at
nang ginising!
diyan ako nagkaisip, nagkadiwa
at nagkadamdam.

Diyan ko rin nakilala ang masama
at magaling,
na sa turo ng ina ko’y iwawaksi’t
mamahalin

Sa tahanan sinimulan na pinanday
at ninutok
ang diwa ng kabataang sa matanda’y
siyang tungkod;

Sa tahanan una-unang binigkas ang
sampung utos
ng ina sa kanyang anak na may puso
pang malambot

Doon natutong magdasal at makilala
ang Diyos;
Ang gumalang sa matanda’t sa kapwa
ay umirog.

Popular Posts

Featured Post

Benefits And Social Privileges Of Senior Citizens