Showing posts with label Philippine arts. Show all posts
Showing posts with label Philippine arts. Show all posts

2.10.2011

Alamat ng Arayat

Ang Bundok sa Arayat na nakapatungo sa mga lalawigan ng Kapampangan at Nueva Ecija ay may iniingatang mga kahiwagaan na nagkasali-salin na sa mga maraming paniniwala. Sa maraming kapaniwalaang iyan ay lalong bansag ang mga talang nababanggit sa lathalang ito, dahil sa pagkakatanim sa diwa ng napakarami nang salin ng lahi sa Arayat at kanonog-bayan.
Sang-ayon sa matatanda sa Arayat, ang bundok n nasabi ay ari ng isang napakaganda at mapaghimalang babae, si Mariang Sinukuan. Di-umano kapag mabili ang mga paninda, ang araw ng lingo sa pamilihang bayan na Arayat, si Maria ay lumulusong sa bayan upang magtinda at mamili. Subali’t ang engkantada ay hindi mo raw makikilala dahilan sa iba’t ibang paraan ng pagbabalatkayo na kanyang ginagawa. Naroon daw ang mag-ayos siya na tulad sa isang matandang magbubukid, bukod sa pagiging maitim, ay pango pa ang ilong at sungal sunagl ang mga labi pinatutunayan din ng marami taga-Arayat na maraming kagila-gilalas na pangyayari ang mararanasan ng sinumang dadalaw sa bundok na iyon. Ang kabundukan ay totoong masagana sa mga bungang-kahoy at ang sinumang aabutin ng kagutuman doon ay malayang makakpipitas at makakain ng bungang maibigan niya, subalit ang sinumang magtangkang mag-uwi ng mga bungang-kahoy mula roon ay hindi matututuhan ang landas pauw. At ang lalong kahima-himala ay ang pagbuhos ng ulan kasabay ang paglakas ng ihip ng hangin. Ngunit sa sandaling ilapag ng taong iyon at iwan ang mga bungang dala niya, ang landas sa pauwi ay madaling matututuhan. Ang malaking tipak ng batong-buhay sa ituktok ng bundok ay batyang pinaglalabhan ng engkantada.
Dahil sa paniwalang napakaganda ni Mariang Sinukuan at dahil rin sa magaagndang tugtugin maririnig sa kabundukan, wala sinumang namamlagi roon sa pangambang baka magayuma sila at hindi na muling makabalik sa kanilang tahanan.

2.09.2011

Alamat ng Sampaguita

Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.

Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.

Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.

Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita — walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya’t kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.

Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.

“Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan, ” na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka’t tunay na isang pagnanakaw.”

Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. “Sabihin niyo sa inyong datu,” ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno.”

Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.

Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.

Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo’y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.

Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.

Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.




Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. “Sumpa kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa’t sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.

Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad – Si Delfin at si Rosita. Samantala….


Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.

Alamat ng Pinya

Matamis at masarap ang nasabing prutas lalo na kapag katamtaman ang pagkahinog. Maraming nagsasabi na ito raw ay magaling na pantunaw lalo na kapag bagong kain tayo. Kung bakit maraming mga mata at kung bakit pinya ang tawag sa kanya ay malalaman nating sa ating alamat.

Sa isang malayong pook ng lalawigan don nakatira ang mag-inang si Aling Osang at si Pina na kaisa-isang anak. Palibhasa bugtong na anak, hindi ito pinagagawa ng ina at sa halip siya ang nagtatrabaho ng lahat ng gawaing bahay. Ang katuwiran ng ina ay "maliit pa naman si Pina." Marahil ay paglumaki na ay gagawa rin siya. Kung kaya ang gawain ni Pina ay maglaro, maligo, magbihis at matulog. Si Pina ay lumaki sa layaw dahil na rin kay Aling Osang.

Nais na sana ng ina na turuan ang anak na gumawa, ngunit naging ugali na nito ang katamaran. Kaya sa malimit na pangyayari, hindi na mautusan ng ina ang anak, palibhasa'y ina kaya matiisin. Kung ayaw magtrabaho ng anak, siya na ang gumagawa.

Hanggang isang araw si Aling Osang ay nagkasakit at halos na nakahiga na lamang. "Naku! ang nanay ko, bakit ka nagkasakit?" ang tanong ni Pina. "Ewan ko nga ba," ang wika ng ina, sabay utos na kung puwedeng ipaglugay nito ang nanay. Sinunod naman nito ang utos ng ina at sa ilang saglit ay inihain na ito ni Pina, ngunit mamait-mait sapagkat ito'y sunog. Ganun pa man ay natuwa na rin ang ina pagkat kahit papaano siya'y napagsilbihan ng anak.

Tumagal ang sakit ni Aling Osang ngunit nagrereklamo na si Pina na pagod na raw ito sa paglilingkod sa ina.

Isang umaga, si Pina'y nagluto at maghahain na lamang ito ngunit hindi makita ang sandok. "Saan kaya naroroon ang sandok?" ang sambit nito.

"Hanapin mo, naririyan lamang yan," ang sagot ng ina.

"Kanina pa nga ako hanap ng hanap eh ! Talagang wala!" ang muling sabi ng anak.

"Bakit ba hindi ka na lang magkaroon ng maraming mata ng makita mo ang hinahanap mo! ito talagang anak ko, walang katiyaga-tiyaga," ang sabi naman ng ina.

"Marami naman kayong sinisermon pa" ang wika ng anak sabay panaog. Marahil ay hahanapin niya ang sandok sa silong at baka nahulog.

Lumipas ang mga oras ngunit hindi na nakabalik si Pina sa itaas. Nawala siya na parang bula na naglaho at walang nakakita sa kanya kahit kapitbahay. Ilang araw ang nakaraan sa tulong at awa ay gumaling na si Aling Osang. Hinanap ng ina ang anak ngunit talagang hindi na nakita.

Isang araw, sa may bakuran ay mataman na nagwalis si Aling Osang. Laking gulat niya ng makita nito ang tumubong halaman sa malapit sa kanilang tarangkahan. Dinilig niya ito at inalagaan araw-araw. Di nagtagal at nagkaroon ng bunga. Napansin niya ito at tila maraming mata. tuloy naalala nito ang sinabi niya sa kanyang anak. At bigla na lang nawala ang kanyang maal na anak ng mga sandaling iyon.

Tula Ni Jose Rizal: Isang Alaala Ng Aking Bayan

Isang Alaala Ng Aking Bayan

Nagugunita ko ang nagdaang araw
ng kamusmusang kong kay sayang pumanaw
sa gilid ng isang baybaying luntian
ng rumaragasang agos ng dagatan;
Kung alalahanin ang damping marahan
halik sa noo ko ng hanging magaslaw
ito'y naglalagos sa 'king katauhan
lalong sumisigla't nagbabagong buhay

Kung aking masdan ang liryong busilak
animo'y nagduruyan sa hanging marahas
habang sa buhangin dito'y nakalatag
ang lubhang maalon, mapusok na dagat
Kung aking samyuin sa mga bulaklak
kabanguhan nito ay ikinakalat
ang bukang liwayway na nanganganinag
masayang bumabati, may ngiti sa lahat.

Naalaala kong may kasamang lumbay
ang kamusmusan ko nang nagdaang araw
Kasama-sama ko'y inang mapagmahal
siyang nagpapaganda sa aba kong buhay.
Naalaala kong lubhang mapanglaw
bayan kong Kalambang aking sinilangan
sa dalampasigan ng dagat-dagatan
sadlakan ng aking saya't kaaliwan

Di miminsang tumikim ng galak
sa tabing-ilog mong lubhang mapanatag
Mababakas pa rin yaong mga yapak
na nag-uunahan sa 'yong mga gubat
sa iyong kapilya'y sa ganda ay salat
ang mga dasal ko'y laging nag-aalab
habang ako nama'y maligayang ganap
bisa ng hanging mo ay walang katulad.

Ang kagubatan mong kahanga-hanga
Nababanaag ko'y Kamay ng Lumikha
sa iyong himlayan ay wala nang luha
wala nang daranas ni munting balisa
ang bughaw mong langit na tinitingala
dala ang pag-ibig sa puso at diwa
buong kalikasa'y titik na mistula
aking nasisinag pangarap kong tuwa.

Ang kamusmusan ko sa bayan kong giliw
dito'y masagana ang saya ko't aliw
ng naggagandahang tugtog at awitin
siyang nagtataboy ng luha't hilahil
Hayo na, bumalik ka't muli mong dalawin
ang katauhan ko'y dagling pagsamahin
tulad ng pagbalik ng ibon sa hardin
sa pananagana ng bukong nagbitin.

Paalam sa iyo, ako'y magpupuyat
ako'y magbabantay, walang paghuhumpay
ang kabutihan mo na sa aking pangarap
Nawa'y daluyan ka ng biyaya't lingap
ng dakilang Diwa ng maamong palad;
tanging ikaw lamang panatang maalab
pagdarasal kita sa lahat ng oras
na ikaw ay laging manatiling tapat.

Popular Posts

Featured Post

Benefits And Social Privileges Of Senior Citizens