Showing posts with label Alamat. Show all posts
Showing posts with label Alamat. Show all posts

11.12.2019

ALAMAT NG MACOPA (The Legend of Macopa Fruit)

Noong mga unang taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sinasabing tahimik at maligayang namumuhay ang mga tao sa isang nayon sa Kailokohan. Madaling naihasik ng mga Kastila ang Kritiyanismo sa nayong yaon sapagkat ang mga mamamayan at mababait at masunurin. Kilala rin sila sa kasipagan at pagkamadasalin.

Ganyan na lamang ang pagmamahal at pag-iingat ng mga tao roon sa gintong kampana sapagkat nananalig silang sa kampanang yaon nakasalalay ang takbo ng kanilang pamumuhay. Nagsisilbi yaong inspirasyon nila sa buhay. Lalo silang nagsisikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Ang kampanang ginto ay naging sagrado at napakahalaga sa mga mamamayan, naging laging usap-usapan hanggang mabalitaan ng masasamang loob sa isang malayong pook. Nais din nila ang kasaganaan, kaya't hinangad nilang mapasakanila ang kampana. Lihim silang bumalangkas ng kaparaanan. Nalaman nilang sa itaas ng simbahan nakalagay ang kampana. Isang gabing madilim ay nagsipaghanda sila at sandatahang tinungo ang pook ng simbahan. Mangyari na ang mangyari, pilit nilang kukunin ang kampana.

Sa kabutihang-palad, may nakapagbalita naman sa mga pari sa napipintong panloloob sa simbahan. Nalaman nilang ang kampana ay nanakawin kaya't buong ingat nila iton ibinaba at lihim na ibinaon. Ipagsasanggalang nila ito anuman ang kanilang sapitin!

Nang dumating ang masasamang loob ay hindi na nila nakita ang kampanang ginto. Laking galit nila! Dahil sa pagkabigo, pinagpapatay nilang lahat ang nasa simbahan sapagkat ayaw magtapat sa kinaroroonan ng kampana.

Anong lungkot sa taong bayan kinabukasan! Patay lahat ang mga tao sa simbahan - ang mga pari, sakristan at ilang mga tauhan ! Wala ang kampana at walang nakakaalam kung saan ito naroroon.

Inasikaso ng taong bayan ang mga bangkay ng nasawi at inilibing ang mga iyon nang buong dangal.

Mula noon, ang tagingting ng kampana ay hindi na narinig sa nayong naturan. Nalungkot na ang mga tao at nawalan na sila ng sigla at pag-asa. Tinamad na rin sila at natuyo ang kanilang pananim. Umunti na ng umunti ang kanilang ani at mga alagang hayop.

Lumipas ang maraming taon at ang tungkol sa kampana ay nalimot na ng mga tao. Nangamatay na ang matatandang nakakaalam sa kasaysayan ng kampanang ginto at ang mga kabataan nama'y wala nang nalalaman tungkol doon.

Sa loob ng bakuran ng simbahan ay may tumubong isang punong di pa kilala ng mga tao. Ito'y nagbunga ng hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan, ang mga bunga'y sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.

"Parang kopa!" ang sabi ng ilan.

"Maraming kopa!" ang bulalas naman ng marami.

Simula noon, kung tawagin ng mga tao ang pook simbahan ay sinasabing, :Doon sa maraming kopa, doon sa makopa."

Nang matagalan, ang puno ay nakilala na sa tawag na makopa.

Alamat ng Lansones (The Legend of Lanzones Fruit)

Tumunog ang kampana sa munting Kapilya ng isang nayon sa bayan ng Paete, lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel at masuyong ginising ang nahihimbing na kabiyak. "Gising na Edna, at tayo'y mahuhuli sa misa." Marahang nagmulat ng mga mata ang babae, kumurap-kurap at nang mabalingan ng tingin ang asawa ay napangiti.

Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang magsimba sa misang minsan sa isang buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura paroko ng bayan. Hindi nagtagal at ang mag-asawa ay kasama na sa pulutong ng mga taga-nayong patungo sa Kapilya. Magkatabing lumuhod sa isang sulok ang magkabiyak at taimtim na nananalangin. "Diyos ko," and marahang panalangin ni Edna, "Patnubayan mo po kami sa aming pamumuhay, nawa's huwag magbago ang pagmamahal sa akin ni Manuel." Si Manuel naman ay taimtim ding dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam niyang nagtataglay sa sinapupunan ng unang binhi ng kanilang pag-iibigan.

Nang matapos ang misa ay magiliw na inakay ni Manuel ang kabiyak at sila'y lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa kanilang marahang paglalakad ay biglang napahinto si Edna.

"Naku! kay gandang mga bunga niyon," ang wika kay Manuel sabay turo sa puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga. "Gusto ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang halos matulo ang laway sa pananabik. Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya malaman ang gagawin. Alam niyang ang lansones ay lason at hindi maaring kainin ngunit batid din naman niyang nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa pagkaing hinihiling. Sa pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni Edna at muling sumamong ikuha siya ng mga bunga ng lansones.

"Iyan ay lason kaya't hindi ko maibibigay sa iyo." Pagkarinig ni Edna sa wika ng asawa ay pumatak ang luha. Sunod-sunod na hikbi ang pumulas sa kanyang mga labi. Parang ginugutay ang dibdib ni Manuel sa malaking habag sa asawa ngunit tinigasan niya ang kanyang loob.

Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa at marahang nangusap. "Huwag na iyan ang hilingin mo, alam mo namang iya'y lason. Hayaan mo at pagdating natin sa bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga manggang manibalang."

Walang imikan nilang tinalunton ang landas patungo sa kanilang tahanan. Ang maaliwalas na langit ng kanilang pag-iibigan ay biglang sinaputan ng ulap. Ni hindi sinulyapan ni Edna ang mga manggang manibalang na pitas ni Manuel sa kanilang duluhan. Ang babae'y laging nagkukulong sa silid, ayaw tumikim man lamang ng pagkain at ayaw tapunan ng tingin ang pinagtatampuhang asawa.

Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa banig ng karamdaman. Hindi malaman ni Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na kalagayan ng asawa."Edna, ano ba ang dinaramdam mo?" lipos na pag-aalalang wika ni Manuel habang buong pagsuyong hinahaplos ang noo ng maysakit.

Marahang iling lamang ang itinugon ng nakaratay at dalawang butil ng luha ang nag-uunahang gumulong sa pisngi. Balisang nagpalakad-lakad si Manuel sa tabi ng maysakit. Hindi niya matagalang tignan ang payat na kaanyuan ngayon na kaibang-kakaiba sa dating Ednang sinuyo niya't minahal. Wala na ngayon ang namumurok na pisngi, ang dating mapupungay na mga mata'y malalamlam, wala na ang ningning ng kaligayahan, maputla ang dati'y mapupulang mga labi at mistulang larawan ng kamatayan.

Nang hindi na niya makaya ang damdaming lumulukob sa kanyang pagkatao ay mabilis na nagpasiya. Kukunin niya ang mga bunga ng lansones. Ang bunga ng kamatayang pinakamimithi ng kanyang asawa. Sa wakas ay isinuko rin niya ang katigasan ng kanyang loob, dahil sa matinding abag sa kabiyak.



Nanaog siya at tinungo ang puno ng lansones. Nanginginig ang kamay na pinitas ang isang kumpol ng bunga ng kamatayan.

"Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya'y mawawala pa sa aking piling," nangangatagal ang mga labing marahan niyang naiusal kasabay ng mariing pagpikit ng mga mata. Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa pagkagunitang ang bungang iyon ang tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan.

Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y nabigla. Anong laking himala! May nabuong liwanag sa kanyang harapan at gayon na lamang ang kanyang panggigilalas noong iyon ay maging isang napakagandang babaing binusilak sa kaputian. Humalimuyak ang bangong sa tanang buhay niya ay noon lamang niyang masamyo. Sa tinig na waring isang anghel ay marahang nangungusap ang babae. "Anak ko, kainin mo ang bungang iyong hawak."

Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat alam niyang ang bungang iyon ay lason. Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay muling nangusap ang babaeng nakaputi. "Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak." Pagkasabi noo'y kumuha ng isang bunga sa hawak na kumpol ni Manuel at ito'y marahang pinisil.

Nawala ang takot ni Manuel at mabilis na tinalupan ang isang bunga ng lansones. Anong sarap at anong tamis! Nang ibaling niya ang paningin sa babaeng nakaputi ay nawala na ito. Biglang naglaho at saan man niya igala ang kanyang mata ay hindi makita. "Salamat po, Diyos ko!" ang nabigkas ni Manuel. Biglang sumigla ang katawanni Manuel at hindi magkandatutong pinitas ang lahat ng mga bungang makakaya niyang dalhin at nagdudumaling umuwi sa naghihintay na asawa.

6.15.2018

ANG ALAMAT NG CASIGURAN

Ang bayan ng Casiguran, sa lalawigang Aurora, ay isa sa mga bayang may magagandang tanawin. Nasa baybayin ito ng karagatan at mapayapa ang paligid nito. Masagana ang pamumuhay rito. Itinuturing ng mga tao na ito ay grasya ng mapagmahalang Birhen na nasa kanilang simbahan. Bakit kaya? Alamin natin.

Noong unang panahon, may isang manlililok na gumagawa ng estatwa ng Birhen mula sa pinutol na puno ng akasya. Mahusay ang manlililok na ito kaya nakagawa siya ng napakagandang imahen. Nang ililagay na ang imahen ng Birhen sa simbahan, umulan nang malakas at bumaha sa paligid. Dahil simbahan. Naisip tuloy ng mga tao na baka ayaw ng simbahan sa pook na kinatatayuan ng puno ng puno ng akasya na pinagkukunan ng estatwa.

Nang mailuklok ang imahen sa bagong simbahan, gumanda ang sikat ng araw at nairaos nang mapayapa ang paglalagay ng imahen. Natuwa ang mga tao kaya binalak nilang magdaos ng prusisyon. Nang ibababa na nila ang Birhen para sa prusisyon ay naging napakabigat nito. Hindi ito makayang buhatin kahit pa ng walong matipunong lalaki. Kapag ibinabalik naman nila ang Birhen sa altar ay muling gumagaan ito. Simula noon, hindi na muli itong inalis ng mga tao sa altar.

Lahat ng sumasampalataya sa Birhen ay umunlad ang pamumuhay. Nawika tuloy ng mga tao na ang Birhen ay kasiguruhan ng mabuting pamumuhay.

Isang araw, nayanig ang buong bayan ng isang malakas na lindol. Gumuho ang isang burol sa tabi ng simbahan. Nagtakbuhan ang mga tao sa simbahan. Marami ang namatay at nasugatan dahil naiwan sila sa mga bahay nila. Ang mga nasa loob ng simbahan ay hindi nasaktan. Lalo nang naniwala ang mga tao na ang Birhen ay kanilang tagapagligtas.

Nang matapos ang lindol, napansin ng mga tao ang maraming butyl ng kumikinang sa daan. Dinampot nila ang mga ito. Sinuri nilang mabuti. Nalaman nilang ito ay mga butil ng ginto. Kanilang inialay sa Birhen ang mga ito upang maging palamuti sa kanyang suot na damit. Ang iba naman ay kanilang ipinagbili upang ibili ng gintong kopa at iba pang gamit sa simbahan. Dahil dito, lalong nagging maunlad ang buhay ng mga tao roon at lalao ding suminhi ang kanilang pananampalataya sa Birhen.

Isang umaga, nakakita ang mga mamamayan ng napakaraming bangka sa laot. Lulan nito ang maraming tulisan na papunta sa baybayin. Nabalitaan ng mga tulisan na may mga ginto sa kanilang bayan. Binalak nilang nakawin ang mga kayamanan ng simbahan. Hindi malaman ng mga tao kung ano ang kanilang gagawin. Wala silang sandatang panlaban sa mga ito.

Tumakbo ang mga lalaki sa simbahan at pinaligiran ang Birhen upang iligtas sa mga magnanakaw na dumarating. Biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Umihip ang malakas na hangin. Ang mga bangka ng mga tulisan ay sumasayaw-sayaw sa malalaking alon ng dagat at pagkatapos, isa-sa itong lumubog. Nang wala nang naiwang bangka sa laot, biglang tumigil ang ulan.

Nagsiluhod ang mga tao sa loob ng simbahan at nagpasalamat sa Mahal na Birhen. Iniligtas na naman sila ng Birhen. Ang himalang ito ang nagpatibay sa paniniwala ng mga tao na talagang ang Birhen ay isang kasiguruhan sa kanilang kaligtasan. Simula noon, tinawag nilang Casiguran ang bayang iyon na kuha sa salitang “kasiguruhan.”

2.10.2011

Alamat ng Chocolate Hills

Noong unang panahon, sa probinsiya ng Bohol, parting Kabisayaaan, may lupang malawak subali’t ito ay tuyot. Makikita mong biyak-biyak ang lupain kapag tag-init. Talagang pagpapawisan ka kapag napadaan ka sa lugar. Subali’t kapag tag-ulan ito ay maputik at siguradong mababaon ang iyon paa kapag ikaw ay naka-yapak. Ngunit kung araw ng taniman ay maaliwalas ang kapaligiran sa kulay ng berdeng tanawin ng pook.
Ayon sa matatanda roon, may isang araw sa magkabilang dulo ng isla na may dalawang higanteng dumating. Ang isa ay nagmula sa parting timog at ang isa naman ay sa hilaga. Ang mga naninirahan doon ay nangangamba na baka magkita ang dalawa. Kaya’t nilisan pansamantala ng tagaroon ang lugar. Sa inaasahang pangyayari nagkita nga ang dalawang higante.
“Anong ginagawa mo sa aking nasasakupan!” Ito’y aking pag-aari at umalis ka na,” galit na sinabi ni Higanteng mula saTimog . ” Maghanap ka ng lugar na iyong aangkinin.”
“Aba!, ako yata ang nauna rito at ito’y pag-aari ko na!” sagot ding galit ng higante mula sa hilaga. “Ikaw dapat ang umalis!”
“Hindi maaari ito! Ito ay pag-aari ko!” sabay padyak ng Higante mula sa Timog at nayanig ang lugar na parang lumilindol.
“Lalong hindi maaari!” mas malakas ang padyak ng Higante mula sa Hilaga.
Noong panahong iyon, ay katatapos pa lamang ang tag-ulan at maputik sa kinatatayuan nila. Ginawa ng isang higante ay bumilog ng putik at binato sa isa. Subali’t gumanti rin ang isa at humulma rin ng isang bilog na putik at siya ring binato sa kalaban. Walang tigil na batuhan ng binilog na putik. Hanggang ang dalawa ay hingalin, naubusan ng lakas at nawalan ng hininga. Tumumba ang dalawang higante na wala ng buhay.Marami ang nakasaksi sa pangyayari na tagaroon.
Ang sumabat sa paningin ng mga tao ang mala-higanteng bolang putik na siyang ginamit ng mga naabing higante sa pagbabatuhan.
Pagkatapos ng pangyayari, nagsibalikan ang naninirahan doon. Namuhay ng mapayapa at masagana.Dahil sa bulubunduking ginawa ng mga higante na kulay tsokolate na sila ring napakikinabangang taniman, ito ang pinagmulan ng Chocolate Hills.

Alamat ng Pipino

Noong araw, sa Lumang Taal, Balangay ng Batangan, ay may mag-asawang may anak na lalaki. Ang pangalan ng ama ay Rupino, ang ina ay Paula, at ang anak naman ay Tirso. Sa halip na maging maalaala at mapagmahal sa aswa’t anak si Rupino ay totoong pabaya. Siya ay napakatamad at napakasugarol pa.Kaya upang sila ay mabuhay, si Paula ang siyang naghahanap-buhay.
Isang araw, si Paula ay nagluto ng pananghalian. Si Rupino ay pinakiusapan ni Paula na magsibak ng kahoy upang may maigatong sa niluluto. Si Paula ay matagal ding nakiusap bago napasunod si Rupino. Datapwa’t hindi pa halos nangangalahati ng pagsibak si Rupino ay huminto ito.
“Paula, Paula, ” ang sigaw ni Rupino buhat sa ibaba, “Napakasakit ng ulo ko. Para bang mabibiyak. Bigyan mo nga ako ng piso at bibili ako ng gamot.”
Nalalaman ni Paula na si Rupino at nagdadahilan lamang sapagka’t marahil ay tinatamad at sinusumpong ng pagsususgal.
“Saan ba ako kukuha ng oiso?” ang sagot ni Paula. “At saka anong sakit ng ulo ang sinasabi mo? Ang totoo’y ibig mo lang magsugal. Sulong! Kung ayaw mong magsibak ngkahoy ay umalis ka at ako ang magsisibak.”
Si Rupino ay umalis na ngingiti-ngiti pa. Hindi siya nagbalik kundi nang inaakala niyang luto na ang pagkain.
“Paula, maghain ka nga,” ang utos niya sa asawa. “Nagugutom ako.”
Si Paula naman na nakalimot na sa kanyang galit ay madaling sumunod.
“Tirhan mo ng kaunting kanin at kaunting ulam si Tirso,” ani Paula. “Siya’y hindi pa kumakain sapagka’t inutusan ko.”
Ngunit nasarapan si Rupino sa pagkain. Nang maalala niya ang pagtitira sa kaunting kanin at ulam kay Tirso ay naubos na niyang lahat ang kanin at ulam.
Nang dumating si Tirso at maghalungkat sa paminggahan ay nakita niyang ubos na ang lahat ng ulam at kanin.
“Inay, wala na pong ulam at kanin a,” ang maiyak-iyak na sumbong ni Tirso. “Simot na simot po ang mga palayok.”
“Rupino hindi mo ba tinirhan ng pagkain ang anak mo?” ang usisa naman ni Paula.
“Aba tinirhan ko,” ang pagsisisnungaling ni Rupino. “Baka kinain ng hayop.” At si Rupino ay lumabas at hinanap angpusa at aso. Ang hayop ay pinagpapalo ni Rupino hanggang ang puno at aso ay magtalunan sa batalan.
Lumipas ang mga araw. Noon ay tag-ani ng palay. Upang mayroon silang makain ang mag-inang Paula at Tirso ay tumutulong sa pag-aani ng palay sa kanilang mga kapit-bahay na may palayan. Ang mga palay na inuupa sa kanila ng kanilang mga tinutulungan ay itinatago nila sa kanilang bangang malaki sa kanilang silid.
Isang araw, sa paghahalungkat ni Rupino sa loob ng silid ay natagpuan niya ang banga ng palay. Nang Makita niya na mapupuno na halos ang banga ay napangiti ng lihim. Alam na niya ang kanyang gagawin. Mapaglalangan na naman niya si Paula.
Nang dumating ang mag-ina buhat sa bukid ay dinatnan nila si Rupino na naghihimas ng manok. Si Rupino ay mukhang malungkot na malungkot.
“Aba, ano ang nangyari sa iyo?” ang usisa ni Paula. “Baki parang Biyernes Santo ang mukha mo?”
“Masama ang nagyari, e, ang simulan ni Rupino. “Natalo ako sa tupada.”
“Oo, e ikaw ba naman ay nanalo na?” ang ika ni Paula. “Ang pinagtataka ko saiyo ay kung saan ka kumukuha ng ipinatatalo.”
“Iyon nga ang sasabihin ko sa iyo, e. Nakita ang palay na tinitipon ninyo sa banga at ipinagbili ko.
“Ang iniisip ko ay kung yung pinagbilan ay maparami ko ay gugulatin kita. Nguni’t talaga yatang minamalas ako lahat ng pinagbilan ko ay natalo.”
Si Paula at Tirso ay hindi nakakibo. Si Paula ay nanlambot na lamang at nangilid na ang luha. Pumanhik sila ng bhay na malatang- malata ang katawan.
Si Rupino ay maliksing tumayo ng si Paula at Tirso ay pumanhik na sa itaas. Tuwang-tuwa siya samantalang siya ay nagbibihis. Ang totoo’y hindi pa natatalo ang sampungpisong pinagbilan niya ng palay. Ang limang piso ay nasa bulsa niyaat ang lima pa ay nasa lambat na nakasuksok sa kanilang silong. Ang limang pisong nasa bulsa niya ay dadalhin niya sa sugalan. Kung sakaling matalo ay maaari pa siyang umuwi at kumuha ng puhunan.
“Inay, paano ang gagawin natin ngayon?” ang tanong ni Tirso ng nakaalis na si Rupino. “Nasayang lamang ang pagod natin.”
“Bayaan mo na anak, at ako’y maghahanap ng maipagbibili,” ang wika ni Paula. “Makakaraos din tayo sa awa ng Dios.”
Si Paula ay naghalungkat ng anumang maipagbibili sa loob ng bahay ngunit wala siyang makita. Nanaog siya at baka sakali sa silong aymay Makita siya.. At hindi nga siya nagkamali sapagka’t at namataan niya ang lambat na nakasabit sa isang haligi.Ang lambat ay kinuha ni Paula at madaling ipinagbili sa Intsik. Ang pinagbilan ay madaling binili ni Paula ng kalahating kabang bigas at ng maiulam na nila ng marami-raming araw.
Si Paula ay kasalukuyang naluluto ng si Rupino ay dumating na humahangos.
“Kakain ka na ba?” ang tanong ni Paula. “malapit ng maluto ang ulam.”
“Huwag mo akong abalahin,” ang payamot na sigaw ni Rupino at nanaog uli. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa silong.
Walang anu-ano ay mabilis na umakyat sa hagdan si Rupino.
br>
“Ang lambat?” Nasaan ang lambat?” ang humahangos niyang usisa. “Ano ang ginawa mo sa lambat?”
“Ha? Lambat?” ang walang tutong sagot ni Paula. “A, ang lambat. Ipinagbili ko at ang pinagbilan ay binili ko ng kalahating kabang bigasat ng maraming ulam.”
“Ipinagbili mo! Ipinagbili mo ay may lamang limang piso iyon!” Si Rupino ay nanginginig na lumpit sa asawa. Sinampal niya ito ng ubod-lakas, sinuntok at sinipa. Hindi pa yata nakasiya roon ay hinawakan niya sa ulo si Paula at ipinukpok ng ipinukpok ang ulo nito sa dinding ng bahay. “Hindi mo nalamang itinago ko sa lambat ang kalahati ng pinagbilan ko sa palay?”
“Diyos ko!” ang panangis ni Paula ng lubayan na siya ng kagulgulpi ni Rupino. “Labis labis na po ang mga pagtitiis naming ng anak ko sa taong ito. Diyos ko, kaawaan mo po kami! Maano pong Mo na ang taong ito at ng kami ng anak mo ko ay makatikim na ginhawa!”
At anong laking himala angnangyari. Isang napakatalim na kidlat ang biglanggumuhit, kidlat na sinundan ng kulog na nakatutulig. Si Paula at Rupino ay nawalan ng malay-tao.
Nang si Paula ay pagsaulan ng hininga ay nakita niyng si Rupino ay maitim na maitim at patay na. Si Rupino pala ay tinamaan ng kidlat. Samantalang pinagmasdan niya ang mukha ni Rupino ay may narinig siyang isang tinig na nagsasabi ng ganito: “Ibaon mo sa inyong halmanan ang bangkay ng iyong asawa. Sa puntod ng kanyang libingan ay may sisiot ng isang halaman. Alagaan mong mabuti ang halamanang iyansapagka’y iyay pakikinabangan ninyo. Si Rupino ay di nakatulong sa inyo noong siya y nabubuhay. Ngayong siya’y patay na ay makatulong sana siya sa inyo”
Hindi naman naglaon at isang baging na maganda at malusog ang sumulpot sa puntod ng libingan ni Rupino Ang baging madaling lumaki at namunga, at nang anihin ni Paula ang bunga ng baging at kanilang kainin ay anong sarap ang mga bungang iyon sa panlasa. Ang baging na iyon ay ang unang pipino sa daigdig. At sapagka’t ang baging ay sumipot sa puntod ni Rupino, tinawag itong pipino.

Alamat ng Palay

Noong unang panahon ang mga tao ay walang palay. Ang kanilang kinakain ay gulay, bungang-kahoy, isda, at mga hayop. Sila ay nangangaso sa gubat at nangunguha ng bungang-kahoy sa parang. Sila ay maligaya roon.
Nawala na ang mga hayop sa gubat at iilan na lamang ang mga bungang-kahoy. Ang mga tao ay nalungkot.
Ang mga lalaki ay nangaso sa bundok. Sila’y pagod na pagod at gutom na gutom. Sila’y nagpapahinga ng dumating ang magagandang dalaga. Ang mga ito ay engkantada pala. Sila ay makapangyarihan subalit magagalang.
Ang mga mngangaso ay kinumbida ng mga engkantada. Sila’y nagpunta sa yungib. Dito ay napakarami pala ang engkantada. Sila’y may reyna. Sila’y nagsaya noon, nag-awitan, at nagsayaw.
Nagkaroon ng kainan. Nakita ng mga mangangaso ang malalaking tagayan. Ang mga ito ay punong-puno ng pagkain na puting-puti. Noon lamang sila nakakita ng putting pagkain.
Matapos ang kainan at ang mga lalaki ay nagging bata. Sila ay kumakas. Sila’y pinainom ng puting alak at sila’y at nagging matalino.
Gusto ng umuwi ng mangangaso. Ang reyna ay nagsalita, ” Kayo’y bibigyan ko ng butyl. Ito’y itanim ninyo sa tag-ulan. Alam kong kayo aymabubuti kaya iyan ay sisibol. Iyan ay mamumunga. Aanihin ninyo ang bunga.”
“Ang mga butil na inani ay bayuhin at linisin. Ang butyl ay magiging bigas. Ito ay lutuin. Iyan ang inyong pagkain. Iyan ang kaloob ko sa mga tao. Hala, umuwi na kayo.”
Sumunod sa bilin ang mga tao. Ang bigas na niluto ang kauna-unahang kanin sa daigdig.

Alamat ng Arayat

Ang Bundok sa Arayat na nakapatungo sa mga lalawigan ng Kapampangan at Nueva Ecija ay may iniingatang mga kahiwagaan na nagkasali-salin na sa mga maraming paniniwala. Sa maraming kapaniwalaang iyan ay lalong bansag ang mga talang nababanggit sa lathalang ito, dahil sa pagkakatanim sa diwa ng napakarami nang salin ng lahi sa Arayat at kanonog-bayan.
Sang-ayon sa matatanda sa Arayat, ang bundok n nasabi ay ari ng isang napakaganda at mapaghimalang babae, si Mariang Sinukuan. Di-umano kapag mabili ang mga paninda, ang araw ng lingo sa pamilihang bayan na Arayat, si Maria ay lumulusong sa bayan upang magtinda at mamili. Subali’t ang engkantada ay hindi mo raw makikilala dahilan sa iba’t ibang paraan ng pagbabalatkayo na kanyang ginagawa. Naroon daw ang mag-ayos siya na tulad sa isang matandang magbubukid, bukod sa pagiging maitim, ay pango pa ang ilong at sungal sunagl ang mga labi pinatutunayan din ng marami taga-Arayat na maraming kagila-gilalas na pangyayari ang mararanasan ng sinumang dadalaw sa bundok na iyon. Ang kabundukan ay totoong masagana sa mga bungang-kahoy at ang sinumang aabutin ng kagutuman doon ay malayang makakpipitas at makakain ng bungang maibigan niya, subalit ang sinumang magtangkang mag-uwi ng mga bungang-kahoy mula roon ay hindi matututuhan ang landas pauw. At ang lalong kahima-himala ay ang pagbuhos ng ulan kasabay ang paglakas ng ihip ng hangin. Ngunit sa sandaling ilapag ng taong iyon at iwan ang mga bungang dala niya, ang landas sa pauwi ay madaling matututuhan. Ang malaking tipak ng batong-buhay sa ituktok ng bundok ay batyang pinaglalabhan ng engkantada.
Dahil sa paniwalang napakaganda ni Mariang Sinukuan at dahil rin sa magaagndang tugtugin maririnig sa kabundukan, wala sinumang namamlagi roon sa pangambang baka magayuma sila at hindi na muling makabalik sa kanilang tahanan.

Alamat ng Pakwan

Humigit-kumulang sa tatlong daan taong namalagi sa Pilipinas ang mga Kastila. Layunin ng Espanyang sakupin ang mga katutubo. Naging kasangkapan ng mga Espanyol ang Katolisismo upang lalong mapadali nila ang pamamalakad dito. Bagamat sa Limasawa, Leyte nagdaos ng unang misa, may isang paring Kastilang nagngangalang Padre Novelles ang nakarating sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Sinikap niyang kumbinsihin ang mga katutubo upang maging Katoliko. Upang magawa ito, pinag-aralan niyang makapagsalita ng kanilang wika. Madali naman siyang natuto. Sapagkat matagal na ring sumasamba sa mga anito ang mga katutubo, hirap na hirap si Padre Novelles na manghikayat.
Lalong pinagsikapan ng paring Kastila ang pagtuturo ng buhay at mga aral ni HesuKristo. Binigyang diin niya ang pagpapasakit ng Anak ng Diyos. Isinalaysay niya ang pagkapasan sa krus upang iligtas lamang ni Hesus ang mga makasalanang tao sa daigdig.
Sapagkat misyunero, marami ang naliwanagan sa katotohanan. Pero kahit marami ang sumunod sa itinuturo ng paring Espanyol ay may isang barangay na bulag pa ring sumasamba sa mga anito. Ito ang barangay na pinamumunuan ni Datu Diliwariw. Ayaw ng Datung paniwalaan ang mga aral na itinuturo sa Katolisismo. Sa labis na pagkagalit ipinadakip mismo ng datu sa mga nasasakupan ang misyunerong nangangaral.
Sapagkat batay sa turo ng Katolisismo ay nagpasan ng krus at ipinako sa kabundukan si HesuKristo. Ito rin ang parusang ipinataw ng di binyagang datu sa paring Katoliko.
Awang-awa ang maraming katutubo sa pagpapasan sa krus si Padre Novelles. Ang maalikabok at baku-bakong lansangan ng Nueva Ecija ay kangyang dinaanan. Sa bundok ng mga anito na ngayon ay kilala bilang bundok ng Caraballo itinindig ang krus. Habang nagbabaga ang araw ay isinakripisyo ng misyunero ang abang buhay. Katulad ni Kristo, isang matulis na sibat ang tumapos sa hininga ng paring Katoliko. Ang sariwang dugo sa dibdib nito ay mayamang umagos sa lupang pinagtindigan ng krus.
Matapos ipapatay ay hindi mapalagay si Datu Diliwariw. Naalala niya ang itinuturo ng misyunero na si Hesus daw ay muling nabuhay pagkalipas ng tatlong araw.
Upang makatiyak, isinama ng datu ang pinakamatapat na kawal nang dumating ang ikatlong gabi. Ginimbal sila ng katotohanan, ang bangkay na kanilang iniwan ay nawala sa kanyang kinapapakuan. Napaluhod ang datu kasama ng kawal. Inalala nila ang mga aral na itinuro ng misyunero tungkol kay Kristo. Taos puso silang humingi ng tawad. Sa kanilang pagyuko at pagluha ay may napansin silang munting halaman sa lupang dinilig ng dugo ng kabanalan. Ang nasabing halaman ay nagbunga ng animo makinis na ulo ng paring misyunero na kapag biniyak mo ay may lamang tila mapulang dugo ng kabanalan, matamis at nakaaalis ng uhaw. Magmula noon, ang nagging Katolikong datu ay lagi nagng dumadalaw sa pinagpakuang kabundukan. Ang panata niyang iyon ay kalakip ng pagtanggap ng kaparusahan sa malaking kasalanang nagawa niya sa paring ipinapatay.
Sapagkat tumubo ang kakaibang halaman ay tinawag ang bunga nito na pinagpakuan na nauwi sa pakuan na ngayon ay naging pakwan. Iyan ang pinanggalingan ng alamat ng pakwan.

Popular Posts

Featured Post

Benefits And Social Privileges Of Senior Citizens