Showing posts with label Alamat. Show all posts
Showing posts with label Alamat. Show all posts

2.10.2011

Alamat ng Tandang




Si Sidapa na Bathala ng Digmaan ay lagi nang nilalapitan ng mga datu upang mapanatili ang kapayapaan sa kanilang barangay. Alam ni Sidapa na nasa pakikipagkaibigan ng mga pinuno ang susi upang hindi matuloy ang alinmang digmaan.
Sumisikat pa lang ang araw ay nakapila na ang maraming puno ng barangay. Si Sidapa ang nagpapayo upang mapanatili ang kapayapaan sa kani-kanilang lugar.
May mga pagkakataong hindi kaagad nakakasangguni ang mga datu. Nagkakalaban ang mga puno. Kapag nangyari ito, nauuwi sa digmaan ang mga barangay.
Matutulis na sibat ang karaniwang panlaban ng mga mandirigma. Kapag may nasusugatan o namamatay sa labanan, lubos na nalulungkot si Sidapa.
Kapag napagkakasundo ni Sidapa ang nagkakahidwaang mga raha ay natutuwa siya. Naliligayahan siyang nagbibigayan at may respeto sa isa’t isa ang bawat datu. Naniniwala si Sidapa na kapag may digmaan ay walang pag-iibigan. Na kapag may pag-iibigan ay walang digmaan. Lagi niyang pangarap na nag-uusap-usap ang lahat at naggagalangan.
Sa dami ng mga mamamayan, datu at mga barangay sa bayan-bayan, at sa dami rin ng problema na inihahain kay Sidapa, kailangang may nagpapaalala sa kanya sa tuwi-tuwina. Kailangan ding may gigising sa kanya tuwing madaling araw bilang hudyat na may mga datu nang naghahain ng problema.
Isa sa mga sundalo ni Sidapa ang nagprisintang orasan niya. Obligasyon niyang paalalahanan si Sidapa na oras na ng pagkain, o oras nang tapusin ang isang pulong, o oras nang humarap sa ilang bisita, o oras nang magbigay desisyon sa isang problema. Pinakamahirap na Gawain ng Sundalong Orasan ang paggising nang napakaaga tuwing madaling araw. Noong unang mga lingo ay laging napakaaga niyang gumising pero kapag napapakuwento siya sa mga kapwa sundalo ay bahagya siyang nahuhuli sa paggising kay Sidapa.
Mapagpasensya ang bathala niya. Lagi itong pinagbibigyan ang Sundalong Orasan. Upang ganahan sa trabaho ay dinadagdagan ni Sidapa ang mga insentibo nitong pilak, damit at pagkain para sa pamilya.
Tuwang-tuwa naman ang Sundalong Orasan pero mahina itong manindigan. Sa kaunting aya ng mga kaibigan ay natatangay siya upang uminom ng alak. Hindi lamang isa o dalawang kopita, kunidi maraming alak na nagpapalasing sa kanya.
Sa pagkalasing ay naibalita pa niya sa ilang kawal ng naglalabang tribo ang mga sikretong pandigmaang di dapat na ipaalam. Galit na galit si Sidapa. Maraming hindi pagkakaunawaan ang naganap dahil hindi siya ginising ng Sundalong Orasan sa madaling araw.
Nang matuloy ang isang madugong digmaan ng dalawang malaking barangay ay ipinatawag ni Sidapa ang Sundalong Orasan.
Lasing na lasing ang Sundalong Orasan nang humarap sa kanyang bathala.
“Ikaw ang dahilan sa madugong digmaang sana ay naiwasan.”
“Pa…patawad po, Bathalang Sidapa.”
“Pinagbibigyan na kita ng ulang ulit! Marami ang namatay dahil sa iyong kapabayaan. Wala kang utang na loob. Ang mga lihim pandirigmaan at pangkapayapaan ay ipinaalam mo sa lahat. Ang obligasyon mong gisingin ako sa madaling araw ay hindi mo pinahahalagahan. Bilang parusa , magiging isang hayop kang walang gagawin kundi gisingin ang daigdig tuwing nagmamadaling araw!”
Sa isang kisapmata ang Sundalong Orasan ay lumiit nang lumiit. Nagkabalahibo ito sa buong katawan. Naging pakpak ang mga kamay at nagkatahid ang mga paa. Sa halip na magsalita ay tumilaok itong parang nanggigising.
Sa sobrang kahihiyan, lumipad papalabas ng tahanan ni Sidapa ang Sundalong Orasan na magmula noon ay tinatawag na Tandang. Ang Tandang na tumitilaok sa madaling araw ang nagpapaalalang siya ang unang tagagising ng sandaigdigan.
Ito ang pinagmulan ng alamat ng Tandang.

Alamat ng Ilang-ilang

Maraming nagtataka kung bakit hile-hilera ang di mabilang na puno ng ilang-ilang sa Pampang sa Ilog ng Pancipit.
Ang ilog ay homuhoho sa Look ng Balayan. Ang tubig ay galling sa Lawa ng Taal.
Balita ang Ilog Pancipit sa mga isdang-tabang na nahuhuli rito tulad ng maliputo, lumulukso, at tawilis na di nakikita sa alinmang dagat ng Pilipinas. Makasaysayan ang ilog sapagkat si Salcedo na apo ni Legaspi ay diti nasugatan sa pakikipaglaban sa mga negritong pawing nasasandatahan ng makamandag ng palaso.
Ang dalampasigan ng Balayan Bay ay makasaysayan din sapagkat ditto nagtayo ng bayan-bayanan sina Datu Dumangsil at Datu Balensuela. Magugunita na ang dalawang datung ito ay tumakas galling Borneo upang makaiwas sa kalupitan ng kanilang hari.
Mula sa bunganga ng Bay paitaas sa ilog ay dalawang oras lamang ang tagal sa pamamangka papuntang Lawa ng Taal.
Sa gitna ng lawa nakatayo ang Bulkan ng Taal. Sa lahat ng bulkan sa buong daigdig ito ang may pinakmalaking bibig(crater).
May mga nayon sa dalampasigan ng bulkan. Sa isa sa mga nayon ay may naninirahang magandang dalada na ang pangalan ay Cirila Mabanlo. Ang palayaw sa kanya ng mga tao sa nayon ay Ilang.
Mahal si Ilang ng mga tag nayon.. Siya’y maganda, mabait, at matulungin sa kapwa. Balita ang kanyang kagandahan sa lahat ng sulok ng magkakaanib o kaaway na balangay.
Maraming tagahanga si Ilang, mga binatang manliligaw at tagasuyo. Isa n rito si Lanubo. Siya’y karibal ni Baknotan sa pangingubig.
Kung si Ilang balita sa kanyang kagandahan, si Lanubo nama’y sa kanyang lakas, pagkamaginoo, katapatan, at katapangan. Subok siya sa arnis at buno at dalubhasa sa pangangaso sa gubat.
Sina Ilang at Lanubo ay uliran sa pagmamahal. Sila’y dalawang pusong pinagtambal ng tumutungga sa saro ng ligaya.
Ang ina ng dalaga ay balo. Siya’y sang-ayon sa pag-iibigan ng dalawa. Ano pa ang hahanapin sa isang magiging manugang na lalaking paborito ng nayon?
Makalipas ang sambuwan, hiningi ni Lanubo sa ina ang kamay ni Ilang. Si Lanubo ay tuwan tuwa at nagsimula na ng paghahanda sa darating n gasal.
Binibilang na ang mga araw at ang binata’t dalaga ay haharap na sa dambana. Hinihintay na lamang ang nalalapit na anihan.
Isang araw siya’y lumabas sa kagubatan upang mangaso, kasama ang kanyang mga kaibigan. Sila’y manghuhuli ng usa at baboy-ramo na lilitssnin sa kasalan.
Nagpaalaalp si Ilang kay Lanubo, “Mabuti yata’t maiwan ka rito. Huwag sumama sa kanila. Ang katiwala mo ang siyang kausapin mong mangulo sa pangangaso. Mayroon tayong pamahiin na ang nobyo raw ay huwag aaalis ng tahanan pag malapit nang ikasal pagka’t baka may mangyaring kapahamakan!”
“Iya’y isa lamang pamahiin. Ako’y sasama sa kanila.Sa ikatlong araw babalik kami agad!”
Nabatid ni Baknotan na wala si Lanubo. Siya’y nagpunta sa bahay ni Ilang ng sumunod na gabi.
“Ako’y nagmula sa malayo upang ungkatin muli ang pag-ibig na hanggang ngayo’y sariwa. Minan pang gusto kong patotohanan ang aking pagmamahal!”
“Hindi ka sana naparito sad is oras ng gabi! Noong huli mong bisita ay sinabi ko sa iyo na hindi kta iniibig. Ang puso ko ay naisanla ko na kay Lanubo! Ako’y nalulungkot! Hindi ako maaaring magmahal sa dalawa! Iisa ang aking puso! Ipagpatawad mo. Ipinagtatapat ko sa iyong kami’y ikakasal na sa darating na lingo!”
“Ano mayroon so Lanubo na wala ako? Bakit k a natataranta sa kanya?”
“Siya’y lalaking marangal!”
“Lalo akong marangal! Mayaman pa!”ang sagot na nagyayabang ngunit ang totoo’y siya’y kalog at panot pa!
“Maaari ba? Umalis ka na! Ako’y nag-iisa! Igalang mo ang aking katahimikan!”
“Oo, aalis ako, ngunit sa aking pag-alis kita’y isasama. Sasama ka upang mamuhay o manatili ka ngunit aisa ng bangkay! Alin ang iyong pipilii?”
“Ako’y mananatili saanman naroon si Lanubo!”
“Si Lanubo ay aking papatayin!”
“Permiso, sandali. Ikukuha kita ng maiinom. Palamig!”
“Gusto mong tumakas? Ang bahay mo ay nasasakupan ng aking kawal!Sa gusto mo sa hindi, sasama ka sa akin!” tuloy yapos.
Si Ilang ay nanglaban kinagat niya ang ilong at tenga ng kalog!
Nasaktan ang balatkayo. Nagalit at tinampal ang dalaga. Hindi nagkasya sa tampal at sinuntok pa ito sa panga. Kinuha sa lukbutan ang kris at sinaksak. Ang tampalasang lalaki ay tumakas.
Kinaumagahan, si Lanubo at ang mga kasama ay dumating galling sa pangangaso. Nabatid nila ang sakunang nangyari kay Ilang.
Ang unang pumasok sa isip ni Lanubo ay hanapin si Baknotan at maghiganti!
Pinapayuhan siya nang mga kaibigan na ang unahin ay ang paglilibing kay Ilang. Pihong nagtatago na raw si Baknotan. “Hintayin natin ang magandand pagkakataon! Ang katarunagan ay marunong maghintay!”
Si Lanubo ay larawan ng hinagpis! Siya’y nanangis, “Ilang ,Ilang, patawarin mo ako. Kung ako’y nakinig sa iyo na huwag umalis, disi’y hindi nangyari ito!”
Si Ilang ay inilibing sa burol na malapit sa bisita ng nayon. Si Lanubo ay nagbantay araw at gabi. Siya’y nagtaka nang makitang araw araw ay maraming bulaklak na nangagkalat sa puntod. Ang mga bulaklak pala ay nanlalaglag buhat sa malaking punongkahoy na nakayungyong sa puntod.
Noong mga unang araw ang punong ito ay walang bulaklak ngunit malalago ang dahon. Ngayo,y nakapagtataka! Kakaunti ang mga dahon subalit hitik sa bulaklak! Ang bulaklak ay dilaw mahaba, at makitid ang mga talulot. Ito’y mahalimuyak!
Bilang tagapagpagunita kay Ilang tinawag na balangay ang puno ng halaman ng Ilang-ilang!
Maraming taon ang lumipas subalit nanatiling binata si Lanubo. Ayaw niyang mag-aswa.
Pinatawad niya si Baknotan at nilimot ang tangkang paghihiganti. Naganap ang katarungan ni Bathala pagka’t ang lalaki ay nagkasakit ng ketong.
Nang maging gobernadorcillo si Lanubo Noble sa magkakaratig n balangay, kanyang iniutos sa mga mamamayan na magtanim ng Ilang-ilang sa lansangan, liwasan,aplaya at pampang ng ilog.
Mabango ang simoy ng amihan sa pampang sa ilog ng Pancipit dahil kay Cirila Mabanlo ang pangunahing tauhan ng alamat na ito.

Alamat ng Alagaw

Noong ika-labinlimang dantaon, humigit kumulang, ang Lumang Taal ay isang masaganang balangay sa talpukan ng alon ng Lawang Bunbon na sakop ni Raha Matapang. Ang Batangan tulad ngayon ay di pa lalawigan natatatag kundi pulu-pulutong na mga balangay sa ilalim ng kapangyarihan ng iba’t ibang raha at lakan. Noong panahong iyon ay kaylimit ng mga Moro ang baybay-dagat ng Balayan pati ng Ilog Pansipit. Dahil dito’y nagtakip ang mga munting balangay upang magdamayan at isailalim ang pangangasiwa ng ng lalong matapang at makapangyarihang lakan. Ang Taal ang pinakamatibay na moog laban sa Kamorohan.
Minsan, si Raha Matapang, bantog na mandaragat ay nagpadala ng mga kawal upang sagupain ang mga Moro sa larangan ng digma sa baybayin ng Mindoro. Ito’y kanyang isinagawa upang ang kanyang kaharian ay malayo sa anumang kapinsalaan ng digma. Napabilang sa mga kawal ang binatang si Marahas na uliran sa bait at sigla. Bago lisanin ni Marahas ang kasintahang si Mutyang Marikit ay nagbilin ng ganito,: “Minamahal kong Marikit sa pag-alis ko ay dala ko ang kabuhayan at kamatayan. Ang utos ng ating Matanda aydi maaaring suwayin. Ikaw ang unang-unang pupula sa akin kung tatalikdan ko ang tungkuling inatas ating balangay.”
“Oo, lilisan kang baon ang aking pagmamahal.”
Si Marahas nagpatuloy: “Iiwan ko sa iyong kandili at pag-aruga ang isang halamang ituring mo na ring ako- ang aking sarili. Kung ako’y masawi ito’y malalanta. Kaya siya’y diligan mo at paka-ingatan. Ang luha mo lamang ang tanging lunas.”
Naghiwalay sila.
Nalagas ang mga araw sa tangkay ng panahon. Walang balitang galling kay marahas. Patuloy rin ang pagmamalasakit ni Marikit sa halamanginiwan sa kanya ng kanyang giliw. Pinagyaman niya ang nasabing halaman sapagka’t ito lamang ang naiwang tanging sanla ng irog at taga-pagpaalala ng kanyang katapatan.
Isang araw ,ang halaman ay nalanta. Nagsadya siya sa palasyo ni Raha Matapang upang makibalita tungkol kay Marahas. Ang mga kawal na nagbalik mula sa digmaaan ay nagpatunay na si Marahas ay nasawi, nguni’t nagsawing taglay ang karangalan pagka’t sila’y nagtagumpay naman.
Umuwi si Marikit na ang puso ay halos mawalat sa kapighatian. Ang tanging aliw lamang sa kanyang sarili ay ang pangyayaring ang kanyang mahal ay namatay sa ngalan ng kabayanihan.
Gabi’t araw ay dinidilig niya ang mga halaman ng patak ng luha. Sa kanyang matamang pag-aalaga ay muling umusbong, lumago ang mga dahong masisinsin, at namumulaklak.
Si Marikit ay naging masasakitin. Subali’t ang bawat karamdama’y may lunas. Kung siya’y dadalawin ng sakit ng ulo, nglagnat, may sipon at nag-uubo ang mga dahon g halaman at ng mga bulaklak nito ay kanyang inilalaga. Matapos magpunas sa pinakulong tubig siya’y gagaling agad. Kung sumasakit ang kanyang tiyan,iinom ng tubig na pinangalagaan ng halaman. Natambad sa ka alaman ng madla ang idinudulot nito. Nagsigaya ang mga kapitbahay ni Marikit hangga’t ang buong balangay, di lamang ang buong Batangan kundi ang Katagalugan ay natutong uminom ng alagaw.
Subali’t bakit tinawag na alagaw ang halaman? Si Marikit ang nagbigay ng ngalan…

Alamat ng Pagong

Nakakita nab a kayo ng pagong? Ito ay isang uri ng reptilyang nabubuhay sa mga pook na dalatan o katihan. Ang katawan nito ay nababalutan ng matigas na talukab na sa biglang-tingin ay tila munting plato 0 batingaw; may apat na paa, maikling buntot, mahabang leeg, at ulong sapad na lumabas-pumasok sa ilalim ng bao o pinakatalukab na nasa kanyang likod. Ayon sa paniniwala, nagiging malilimutin ang naglalarong pagong. Maaaring tama o mali ito, ngunit ang tiyak ay masarap ang atay at itlog nito, na kasing linamnam ng kanyang alamat.
Si Gat Urong-Sulong ay matanda na. Papalubog at patakip-silim na ang kanyang buhay, matapos niyang landasin ang rurok ng kaningningan. Laos na ang dating kilabot at pangunahing sandata ng Barangay Lumubog-Lumitaw.
Likas mandin na ang isang bagay ay mahalaga kung ito’y pinakikinabangan; ngunit kung lipas na at walang saysay, ano pa ang dahilan upang ito’y ingatan? At si Gat Urong-Sulong, na isa nang inutil, ay nalimutan na ng barangay na kay tagal niyang minahal at pinaglingkuran. Hindi marahil magkakagayon kung di maagang namayapa ang dating puno ng barangay na si Lakan Dupil. Nagmistula siyang palaboy ng tadhana na walang nais kumandili.
Isang maliwanag at napakaganda ng gabi, ang buong Barangay Lumubog-Lumitaw ay nagdiriwang. Ipinagbubunyi nila ang pag-iisang dibdib nina Lakan Alamid at Dayang Matampuhin. Tanging si Gat Urong-Sulong ang nagmumukmok sa kalungkutan. Ang babaing una at huli niyang minahal ay nagtaksil sa kanya at sumama kay Gat Alamid na ngayon ay bagong lakan ng barangay. Iyan palang lalaki, masugatan man ang puso at dibdib, ang lahat ay mababata at matitiis; ngunit kapag dangal niya ang siyang nagkadungis sasabog ang lupa, babagsak ang langit!
At tinungo ni Gat Urong-Sulong ang baybay-dagat. Matamlay na umupo sa ibabaw ng isang malapad na bato. Ang mga larawan ng nakalipas ay isa-isang nagdaan sa kanyang gunita, hanggang sa ang mga ito ay papanglabuin ng mga patak ng luha. Bigla siyang napabuntung-hininga nang madama ng sarili ang masaklap na kasalukuyan. At nabuo ang isangpasiyang mapait. Kung ang puso niya’y bigo at sawi sa pag-ibig, ang lunas ay kagyat na pananahimik…! Humahalakhak at bumubulong ang hangin at ang laot ng dagat ay kumakaway at nag-aanyaya ng kamatayan! “Patawarin mo ako Bathala…!” usal ni Gat Urong-Sulong, “Tanging ito lamang ang lunas!” At siya’y tumindig…lumakad! Kumalabusaw ang tinig… papalayo… papalayo… patungo sa laot ng karagatan! Subalit atas mandin ng tadhana, biglang umugong ang kapaligiran, yumanig ang lupa…! Lumindol…! “Ha-ha-ha…!” ani Gat Urong-Sulong, “Ilakas mo pa at nang mamamatay kaming lahat…!” Tinugon siya nang biglang pagkiwal ng tubig! Kamuntik na siyang bumaligtad nang siya’y bundulin ng isang nagsusumagsag na munting alon! At sa dako pa roon ng dagat ay nakita niya na gumugulong, ang nakasisindak at naglalakihang mga alon…patungo…patungo sa dako niya at sa Barangay Lumubog-Lumitaw!
Umalikabok at uilandang ang mga buhangin sa dalampasigan sa ginawang sagsag-takbo ni Gat Urong-Sulong! Parang ibininit ng palasong tinungo niya ang barangay…sa dakong kinalalagyan ng isang malaking gong. Sa nalalabi niyang lakas ay pinalo niya ang gong…sunod-sunod, hataw-tunog, pandalas…mabilis! Ang “Pag-gong” na iyon ang tanging lunas upang mapatalastasan ang lahat sa napipintong panganib.
Bawat lakbay-tunog ay umalingawngaw sa buong barangay; sinagap at ipinagsalin-salin ng mga tambuli sa lahat ang nakagigimbal nitong hatid-patalastas na nagbabayad ng “Madaling Paglikas sa Burol!” Ang “Pag-gong” ni Gat Urong-Sulong ay patuloy…at patuloy din ang paglikas sa burol ng libu-libong nilalang. Makalipas ang ilang saglit ay bahagi na ng karagatan ang buong barangay nang sakmalin ito ng mga rumaragasang dambuhalang alon! “Salamat kay Gat Urong-Sulong! Kung hindi sa kanyang “Pag-gong” ay wala sinumang makaliligtas sa atin!”
Humupa na ang baha at nagbalik na rin ang mga limikas. Subalit nawawala si Gat Urong-Sulong; nawawala rin ang malaking gong. Sila marahil ay kapwa tinangay ng baha.
Nalutas ang paghahanap ng mga tao nang isang araw ay makapansin sila ng mahiwagang hayop sa lugar na dating kinalalagyan ng ging at ni Gat Urong-Sulong. Kataka-taka ang anyo ng hayop na iyon na ang talukab sa likod ay mistulang larawan ng gong na nawala. Nagpasiya ang Pandita ng barangay. “Ang mahiwagang hayop na ito ay tatawagin nating ‘Pagong’ mula ngayon, bilang pagkilala sa isang ulirang pagpapakasakit ng isang dakilang puso.”

Alamat ng Kasoy

Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Adang kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman.
Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.
Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya ang kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot.
“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”
Naulinigan ng makapangyarihang Ada himutok ng Buto.
“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”
“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”
Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto.”
Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan, at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.
Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepanteay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pagimbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan.
Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila.
Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid. Nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.
Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa lamig ang Buto.
“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”
Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.
Iyan ang Alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.

Alamat ng Kawayan

Noong unang panahon ang puno ng Kawayan ay hindi yumuyuko. Mayabamg ito at taas-noo. Ipinagmamalaki nito ang kanyang makinis na katawan.
Berdeng-berde ang kabuuan ng Kawayan. Sariwang sariwa ang kulay nito lalo na kapag nasisikatan ng araw.
Pero mainggitin ang Kawayan. Lagi at lagging naiinis siya kung hindi pinahahalagahan. Kapag nalallulan siya ng ibang puno at halaman ay nagtatanim siya ng galit. Masama siyang mapahiya pagka’t tumatawag siya ng kaibigang handing maghiganti upang maiangat lang ang narumihan niyang pangalan. May isang pagkakataong naparaan ang ilang kabataan sa kagubatan. Nagpalinga-linga sila. Nang makitang wala man lang bunga ang kawayan, nilayuan nila ito.
Nilapitan nila ang puno ng Bayabas, at Santol. Tuwang-tuwa sila sa pamimitas ng mga bunga. Inilpag nila sa damuhan ang dilaw na dilaw na bunga ng Santol t berdeng berdeng Bayabas. Nilapitan din nila ang mga puno ng Makopa at Caimito. Namitas sila ng bunga. Matatamis at pulang-pula ang Makopa. Hinog na hinog rin ang mga Caimitong kulay lila.
Tuwang-tuwa ang mga kabataan habang ang prutas ay pinagsasaluhan. Inggit na inggit naman si Kawayan. Wala kasi siyang bunga na ipamimigay. Wala siyang silbi kung prutas ang pag-uusapan.
Sa galit ng Kawayan ay tinawag niya ang kaibigang Hangin.Pinakamalakas na ihip ang higanti ni Hangin. Nagbagsakan ang lahat ng bunga ng Santol, Bayabas. Caimito, at Makopa. Tuwang-tuwa si Kawayan.
Minsan may nagawiang magkasintahan sa kagubatan. Nagpalinga-linga ang binata. Nang makitang walang bulaklak na mapupurol sa puno ng Kawayanay nilayuan nila ito. Natuwa sila ng maulinigan ang mga halamang Rosal at Sampaguita. Dali-dalingnamupol ng bulaklak ang binata.Ang halimuyak ng Rosal at Sampaguita ay handog na napakaligaya sa dalaga. Dahilan sa mga bulaklak ang magkasintahan ay lalong pinagbigkis ng matapat na pag-iibigan.
Inis na inis naman si Kawayan. Wala siya kahit isaman na bulaklak na maiaalay. Sa pagkapahiya sa sarili tinawag niya ang kaibigang si Ulan.
Sunud-sunuran si Ulan. Upang maipaghiganti ang Kawayan, pinalakas ng Ulan ang kanyang mga patak. Nasira ang mga magagandang tangkay nila Rosal at Sampaguita. Palihim na napangiti si Kawayan.
Isang tanghaling tapat ay may dalawang matandang nahapo sa paglalakad. Upang makapagpahinga, naghanap si Lolo Guillermo at Lola Jovita ng punong may malalabay na sanga. Hindi man lang nila pinansin ang mga sanga ng Kawayan pagka’t makikitid ang mga dahon nito. Natuwa sila ng namataan ang puno ng Banaba. Talagang mapapalad ang mga dahon nito na masisilungan kung ikaw ay maiinitin ng sikat ng araw. Napansin ito ng nakasimangot na Kawayan. Nang makaalis na si Lolo Guillermo at Lola Jovita ay tinawag ni Kawayan ang mga kaibigang Tagak. Ipinaghiganti ng mga Tagak ang inggit na inggit na si Kawayan sa pamamagitan ng pagpigtal sa lahat ng dahon ng Banaba. Nakalbo ang kaawa-awang puno ng lubhang ikinagalak ni Kawayan.
Lingid sa kaalaman ni Kawayan, nakarating kay Bathala ang pagiging mainggitin ni at mapagmataas nito.Bilang parusa, ang lagging nakatingalang si Kawayan ay pinayuyuko ni Bathala kapag hinihipan ng malakas na hangin.Ang pagyuko ni Bathala ay pagbibigay halaga sa anumang biyayang handog ni Bathala ay dapat na pahalagahan. Na ang inggit ay di dapat mamugad sa puso nino man.
Iyan ang alamat ng mapagmataas na Kawayan.

Popular Posts

Featured Post

Benefits And Social Privileges Of Senior Citizens