Showing posts with label Kwentong bayan / Alamat. Show all posts
Showing posts with label Kwentong bayan / Alamat. Show all posts

2.09.2011

Alamat ng Kanlaon

Ang mga taga-Negros sa Bisayas noong araw ay namumuhay na tiwasay at mariwasa. Ang pangalan ng kanilang hari ay Laon, isang taong may magandang kalooban. Ang mga tao roon ay nagsisigawa sa kanyang bukid at sila’y kahati sa ani.
Isang araw ay umuulan, at ang ulan ay lumakas ng lumakas hanggang sa bumaba sa bukid; anupa’t ang tubig ay umapaw hanggang tuhod, at tumaas hanggang baywang, at nagpatuly ng paglaki hanggang liig.
Ang mga tao ay natigatig at naisip nila na masisira ang kanilang mga pananim.
Palibhasa’y mahal ng hari ang mga taoat naisip niyang nawala na ang aanihin huwag lamang mawala ang mga tao. Tinipon ng hari ang lahat ng kampon niya at sinabi, “Gumawa kayo ng mataas na bunton ng lupa.” Sumagot ang mga kampon, “Kami po ay walang mga kasangkapan.”
Iwinagayway ng hari ang kanyang birang at pagdaka’y nagkaroon na ngmga piko at pala.
Sinabi ng mga kampon, “Wala po kaming mga bato. Ang bunton po ng lupa ay kaylangan naliligiran ng mga bato.”
Sa hulung wagyway ng birang ay nagkaroon na ng lahat ng kailangan.
Sa sikap at tiyaga ng mga kampon ay nagkaroon ng malaking bundok. Ang nagging taas ng taluktok ng bundok ay 6,000 talampakan. Duon sila tumahan hanggang sa humupa ang tubig. Nagpatuloy pa rin sila sa paggawa, nagsihukay sila ng bambang na tungo sa dagat upang siyang lagusan ng tubig ng sa gayon ay humupa ang tubig sa baha.
May isang malaking ahas na tumira sa bundok na yaon. Ang ahas ay may pitong ulong kakila-kilabot. Ang kulay ng mata ay luntian at ang ihinihinga ay kakatwa, na kung araw ay usok at kung gabi ay apoy.
Isang araw ay may dumating na isang binata na ang pangalan ay Kan. Siya’y makisig at mahiwaga. Nalalaman niya ang ligalig sa bayan at sinabi niya, “Papatayin ko ang ahas. Hindi ako natatakot.”
Sinabi ng hari. “Patayin mo ang ahas at paglkakalooba kita ng mga gabok nag into at ang aking anak ay ipagkakaloob ko rin sayo upang maging asawa.”
Inihanda ng binata ang plano sa pagpatay sa ahas. Dahil sa may kapangyarihan siya sa mga hayop, tinawag niya ang mga langgam at iniutos niya, “Magsigapang kayo sa buong katawan niya at inyong kagatin.”
Tinawag niya ang mga putakti at iniutos niya sa kanila, “Pupugin ninyo ang kanyang mga mata hanggang sa mabulag.”
Tinawag niya ang mga uwak at iniutos, “Inyong kamutin at tukain ang kanyang ulo at katawan hanggang sa mamatay.”
Sila’y sumunod.Ang ahas ay kanilang napatay.
Pinugot ni Kan ang pitong ulo ng ahas. Ang mga ulong iyon ay inialay sa haring Laon, at mula noon ay matiwasay na namuhay muli ang mga taga-Negros. Ang binatang si Kan ay nagkamit ng yaman at napangasawa ang anak ng hari.
Inaalala ng mga taa roo ang binata at ang hari. Ang bundok ay pinangalanang Kan-Laon at ng magtagal ito’y nagging Kanlaon, bilang parangal kay Kan at Haring Laon.

Alamat ng Ilog Pasig

Payapa ang gabi noon,nagningningan ang mga talasa langit. Nagsisislbing ilaw ang liwanag sa buwan sa kapaligiran. Isang binata’t dalaga ang nagpapalamig sa simoy ng hangin sa gabi. Nagawian na nilang mamangka tuwing kabilugan ng buwan. Napagkasyahan ng magkasintahan na mamangka sa ilog. Dayuhang Kastila ang nasabing binata at mayuming dalagang Pilipina ang isa. Magiliw na nanonood sa kumikinang na tala ang dalaga habang sumasagwan ang binata.
Masayang nagkukwentuhan ang dalawa sa gitna ng gabi na pumalaot sa ilog. Ngunit may napansin ang dalaga. Sa gitna ng dilim ay may magandang bulaklak ang nakita ang dalaga na nakalutang sa tubig. Agad niya itong inabot. Subalit sa pag-bot niyang iyon, ang bangkang kanilang sinasakyan ay nawala sa balance at nahulog ang binata. Sa di inaasahan, ang binata ay hindi marunong lumangoy. Sa bawat paglutang ng binata mula sa pagkalubog , tinatawag niya si Paz na tulungan siyang makaahon.
“Paz sigueme! Paz, sigueme!” Ang salitang ito ay Kastila na ang ibig sabihin ay sagipin mo ako. Sa kasawiang palad, hindi natulungan ng dalaga ang binata. Ang huling salitang nabanggit ng binata ay “Paz sig!” Hindi na muling lumutang ang binata at tuluyan na itong nalunod. Dahil sa pangyayaring ito ang ilog ay tinawag nang “Pasig” o Ilog Pasig.

Alamat ng Rosas

Noong araw ay may isang magandang dalagang nagngangalang “Rosa,” na balita sa kanyang angking kagandahan, kayumian, at kabaitan. Maraming nangangayupapa sa kanyang kagandahan. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya mapusuan.
Dahil ang gusto ni Rosa ay ang maglingkod sa Panginoon at sa pagtulong sa mga nangangailangan ng kanyang tulong. Ngunit si Cristobal, isang mahigpit niyang mangingibig, ay di makapapayag na di mapasakanya ang dalaga, at ito’y nagtangkang agawin si Rosa at dinala ito sa hardin.
Ngunit nananalangin si Rosa sa Panginoon at noon di’y siya’y naging bangkay. Sa takot ni Cristobal ay ibinaon niya ang dalaga sa bakuran nito at saka siya lumayo sa pook na iyon upang di na magbalik kailanman.
Mula noon ay hindi na nakita ng mga taga roon si Rosa. Sa halip, sa bakuran nito ay may isang halamang tumubo na may bulaklak ngunit paghawak sa tangkay nito ay mapapasigaw ka dahil sa talas ng tinik ng halamang hinahawakan. Dahil niloob ito ng Panginoon na gawing bulaklak si Rosa na ang tangkay ay may mga tinik na tagapangalaga rito upang di-pagnasaang pupulin lamang ng sinuman.

Alamat ng Kamatsile

Sa isang gubat na madawag, may tumubong puno ng kamatsile na may malaganap na mga sanga. Sa tabi nito’y may nagsitubong iba’t ibang mga punong may magagada’t mababangong bulaklak na nakakahalina sa mga naglalakbay. Ang kamatsile lamang ang tanging walang bulaklak na maipagmalaki, nguni’t maganda naman ang pagkakahubog ng kanyang malalago at malalabay na mga sanga. Subali’t di man ito makatawag-pansin sa mga manlalakbay at di man siya tapunan ng bahagyang tanaw at ito ang ipinagmimighating malabis ng abang puno ng kamatsile.
Isang araw, malakas na naibulalas ng kamatsile ang kanyang hinanakit. “Naku! Anong pagkalungkot-lungkot na buhay itong akin. Kung ako ba’y nagtataglay ng bulaklak na katulad ng mga katabi kong puno, sana’y makagagayuma rin ako sa mga taong dito’y nagsisipagdaan.”
Ang ganyan niyang himutok ay umabot sa pagdinig ng cadena de amor na gumagapang sa kanyang paanan. Kaya’t ang daing ng kamatsile ay kanyang sinagot. “Madaling lutasin iyan, kung nais mong magkaroon ng bulaklak na kaakit-akit ay tulutanmong ako’y mangunyapit sa iyong mga sanga.”
Ang kamatsile ay sumang-ayon sa magandang mungkahi ng cadena de amor. Di naglipat araw at ang dating nag-iisang puno ng kamatsile ay nag-uumugong sa mga bubuyog na sa kanya’y laging nag-kukumpol-kumpol. Ang mga tao naman ay di siya iniiwan ng tingin.
Nguni’t pagkalipas ng ilang linggo ay di na makatagal sa sukal na sa kanyang sanga ay nakabalot. Kaya’t sa cadena de amor, siya’y di makatiis na di magpahayag ng kanyang dinaramdam. “Oo ngat ako’y hinahangaan ng maraming tao, di ko naman malanghap ngayon ang mabangong simoy ng hangin, di ko man lamang masilayan ang mga baging na iyong ibinalabal sa akin.
“Subali’t ano mang pagsusumamo ng abang puno ng kamatsile ay nawalan ng saysay sa lubos na nasisiyahang cadena de amor. Nguni’t sa malaking habag ng Maykapal ay pinagkalooban din siya ng pananggalang sa cadena de amor. Ang tinik na magpahanggang sa ngayon ay nagmamalasakit sa kanya.

Alamat ng Taal

Mayroon isang Datu na bukod na kapita-pitagan ang kanyang reputasyon, mabuti siyang pinuno, maayos at maganda ang pamamalakad sa kanyang nasasakupan. Datu Balinda ang tawag sa kanya. Ang kanyang balangay ay matatagpuan din ang balangay ng Batangan.
Isang nililiyag na anak na babae ang madalas pagtuunan ng Datu. Bukod sa kaisa-isa lamang, magigiliw ka sa taglay nitong katangian. Maganda, mayumi at mahinhin si Taalita at mapagmahal sa sariling tradisyon at kultura. Prinsesa Lita o Taalita ang tawag sa kanya, na ang kahulugan ay Taal sa Tagalog at puspos ng ugaling kinagisnan.
Masasabing si Prinsesa Taal ay mahahalintulad sa pausbong na bulaklak na wala pang nakakadapong bubuyog upang higuping ang tamis ng kanyang pagmamahal. Ang kanyang kutis ay sariwa at humahalimuyak.
Dahil ang tirahan nila ay malapit sa lawa, nakahiligan ng Prinsesa Taal ang mamangka pagmalapit ng lumubog ang araw sa Lawa ng Bunbon. Dahil siya ay isang Prinsesa, tinatanuran siya ng kanyang alipin at mga abay.
Mayroon isang pagkakataon, pagkatapos mamangka ay luhaang humarap si Prinsesa Taal sa kanyang ama na si Haring Balinda:
“Ama kong Datu, mapatawad po sana ninyo ako. Mayroon po akong kasalanan na nagawa. Pagkagalit ay huwag mo sanang magawa.”
“Anak, bakit ka umiiyak ano ba ang nagawa mong pagkakamali?”
“Mahal kong ama, nahulog po ang singsing ko sa lawa habang ako’y namamangka,” sagot ni Prinsesa Taal, na animo’y nahihintakutan.
“Ano! Dapat ay nagging maingat ka. Iyan na lamang ang bagay na nagpapaalala sa amin ng iyong ina n gaming pagmamahalan. Ilan ninuno na natin ang napasali-salin sa singsing na iyan. Saksi iyan ng aming sumpaang binigkis ng nasira mong ina.”
“Alam ko pong napakahalaga ng singsing na iyan. Minahal at pinakaingat-ingatan ko ang singsing na iyan gaya ng pagmamahal ko sa aking ina,” sagot ni Prinsesa Taal na lumuluha.
Lumuhod si Prinsesa Taal sa harap ng ama.
“Anak, tumayo ka at huwak ng lumuha. Naguguluhan lamang ako sa narinig kong balita sa narinig k mula sa iyo. Alam mo ban a ang singsing na iyan ay ibinilin pa sa aki8n ng iyong ina bago siya namatay. Sinabi niya sa akin na ipagkaloob ko saiyo tanda ng kanyang pagmamahalat pag-alala sa iyo!”
“Tumahan na anak at ang pagkagalit ko’y kinalimutan ko na,” paamong wika ng Datu.
Niyakap ng Datu si Taal, na halos mapaiyaksa sandaling iyon.
“Huwag ka ng mabalisa, hahanap tayo ng magagaling lumangoy upang sisisrin ang nahulog mong singsing. Maibabalik rin ang singsing at maisusuot sa daliri mo,” paliwanag ng Datu.
“Salamat ng marami po, Ama ko,” ako po’y nagagalak sa pang-unawa ninyo.”
Ilang sandali pa ang lumipas. ” Anak, hindi ba dapat ika’y mag-asawa na. Nasa tamang edad ka na para lumagay sa tahimik. Matanda na rin ako at kailangan ko ang isang matapang na Datu na siyang hahalili sa akin. Kailangan mo rin ng makakasama pag ako’y lumisan na,” pakiusap ng Datu.
“Siya pong mangyayari Ama ko,” Sagot ng Prinsesa.
Nagpaanunsyo kaagad ang Datu saanmang dako upang ipahayag ang kanyang nilalayon. Ipinaalam sa madla na kung sino ang makakakuha sa singsing ang nahulog sa sa Lawa ng Bunbon ay siyang mapapangasawa ng ng mayuming prinsesa.Ang balitang ito ay agad kumalat saanmang dako ng kapuluan. Maraming dugong bughaw ang dumating mula sa iba’t ibang lugar. Kasama rito ang mga Morong Datu myla sa Jolo at Tawi-tawi. Hindi rin nagpahuli ang angkan ni Bukaneg mula sa Kabisayaan at Kabikulan. Hindi rin nagpadaig ang Kapampangan at dumating si Dau Pisot upang subukan ang kapalaran. Sa sinamang palad walang sinuman ang nagtagumpay upang maibalik ang singsing ng prinsesa.
Marami ang araw ang lumipas sa paghihintay ng mag-ama. Pagkainip ang kanilang naramdaman.
Di kalaunan may isang Datu, ang humingi ng tulong sa mga anito. Panalangin tulungan siyang masisid ang nawawalang singsing mula sa Prinsesa. Datu Mulawin ang ngalan ng laslaki at nagmula siya sa Nasugbo.
Matiyaga niyang nilusong ang Lawa ng Bunbon. Mula umaga hanggang hapon. Walang tigil sa paglangoy.
Habang sa pagsisisd ni Datu Mulawin ay may nahuli siyang buteteng laot na malaki ang tiyan.Nagtaka ang lalaki dahil sa maliit na butete ay malaki na agad ang tiyan nito. Ginwa niyang hiwain ang tiyan nito upang malaman ang laman. Ngunit laking gulat niya ng matagpuan doon ang nawawalang sinsing ng Prinsesa. “Isang himala ito!’ laking tuwa ni Datu Mulawin. “Ito kaya ang tugon sa panalangin ko at magandang hangarin sa Prinsesa Taal?.”
Kaya’t ang pangako ng Pinunong Datu ay nangyari.Agad ipinakasal si Prinsesa Taal kay Mulawin. Nagdiwang ang buong balangay.Mayroon sayawan at kantahan.Lahat maligaya sa nangyaring okasyon. Ang pagsasama ng mag-aswa ay nasaksihan ng boung balangay ang magagandang pamamalakad ni Datu Mulawin at masayang masaya si Prinsesa Taal sa piling ng asawa.
Subali’t ang pagsasama ay hindi lagi masaya. Madalas ay may problema ring dumadating na siyang nagiging balakid sa pagsasama.
Isang gabi, Maliwanag ang sikat ng buwan, namasyal ang mag-asawa. Ang gabing iyon ang simula ng gulo sa kanilang pagsasama.
Mayroon isang matandang nuno pala an gang nagmamay-ari ng Lawa ng Bunbon. Matagal niyang sinusubaybayan ang takbo at pangyayari sa palasyo masayang pagsasama ni Datu Mulawin at Prinsesa Taal. Ang matandang nuno pala ay ay naiinggit sa sarap ng buhay sa palasyo at masayang pagsasama ng mag-asawa.
Nang gabi ring iyon ay namangka ang mag-asawa sa lawa. Habang sumasagwan si Datu Mulawin, siya naming kumakanta ang Prinsesa kasabay ang tugtog ng kumintang.
Nang Makita ng Prinsesa ang magandang bulaklak ng lotus, dahil nabighani ito, pilit niyang inabot. Sa kasamaang-palad ang prinsesa ay nahulog at limubog. Bilis naman tinalon ni Datu Mulawin ang asawa upang sagipin. Subalit, kapwa sila lumubog. Lumubog sila dahil sa kapangyarihan ng matandang nuno na binalak silang mapinsala.
Ang mga alipin na nakakita sa pangyayari ay agad ibinalita sa tagaroon. Marami ang nagtangkang sisisrin ang dalawa upang Makita ang bangkay. Ngunit nabigo silang lahat.
Mula noon, may isang pulo ang lumitaw sa gitna ng Lawa Bunbon. Ang tawag nila rito ay Bulkan Taal. Pangalang ibinigay ng Datung pumalit kay Mulawin. Tanda na rin ito para laging maalala si Datu Mulawin at Prinsesa Taal.

Alamat ng Pinatubo

Masagana ang Kahariang Masinlok. Magandang maganda noon ang umaga. Maningning ang sikat ng araw .Sariwa ang hanging amihan. Lunti ang mga halaman sapaligid. Masigla ang awit ng mga ibon. Bughaw ang kabundukan. Subalit ang kagandahan ng umaga ay hindi nakasiya sa Datu.Wala siyang madamang kaligayahan sa lahat ng namamalas.
Malungkot na nakapanungaw ang Datu.Nakatuon ang ma paningin sa sa bughaw na kabundukan. Nakakunot ang noo at tikom ang mga labi. Nagbuntong-hininga nang malalim.
“Malungkot na naman kayo, mahal na Datu,” narinig niya sa may likuran. Bumaling ang Datu. Nagtanong ang mga mata ni Tandang Limay. Isa ito sa bumubuo sa “Konseho ng Matanda.”
“Ikaw pala. Nalulungkot nga ako, Tandang Limay. Naalaala ko ang aking kabataan,” at nagbuntung-hininga muli. Humawak siya sa palababahan ng bintana.
“Nakita mo ba ang bundok na iyon?” nagtaas ng paningin ang Datu.
“Oo, aking Datu, ngunit ano ang kinalaman niyon sa inyong kalungkutan?” tanong ni Tandang Limay. Napag-usapan na ng “Matatanda” ang napapansin nilang pagkamalungkutin ng Datu. Siya nga ang naatasang magsiyasat tungkol dito.
“Doon ako sa mga bundok na iyon laging nangangaso. Natatandaan mo marahil na malimit akong mag-uwi ng baboy-ramo at usa sa aking ama at mahal ko sa buhay.”
“Opo, Kayo mahal na Datu ang kinikilalang pinakamagaling sa pana noon. Napabantog sa ibang kaharian ang inyong katangian sa pangangaso,” sang-ayon ni Tandang Limay.
“Iyan ang suliranin ko ngayon. Para bang gusting-gusto kong magawa uli ang mga bagay na iyon, ngunit napakatanda ko na upang pagbalikan ang kabundukang iyon. Napakalayo na ang mga pook na iyon para sa mahina kong katawan,” at muling nagbuntung-hininga ang Datu.
“Hindi na nga ninyo makakayanan ang maglakbay nang malayo. Ngunit maaari naman kayong magkaroon ng ibang libangan,” pasimula ni Tandang Limay.
“Bahagi na ng aking buhay ang pangangaso. Hindi na rin ako makadarama ng kasiyahan kung iba ang aking magiging aliwan,” malungkot na umiling ang Datu.
Naging usap-usapan sa buong kaharian ang suliranin ng Datu. Nabalita rin sa ilang bayan ang pagkamalungkutin ng pinuno ng Masinlok.
Makalipas ang ilang araw, dumating sa palasyo ang isang salamangkero. Matanda na siya at mabalasik ang mukha. Malaki ang paghahangad niya sa kamay ni Prinsesa Alindaya, prinsesa ng Masinlok ngunit malaki rin ang pag-ayaw nito sa kanya.
Nagbigay ng kaukulang paggalang ang panauhin.
May magandang panukala ako tungkol sa inyong suliranin kung inyong mamarapatin, mahal na Datu,” saad ng salamangkero.
“Sabihin mo at handa akong magbayad sa inyong kapaguran,” turing ng Datu.
“Magpapatubo ako ng isang bundok sa kapatagan ng Masinlok na malapit sa inyong palasyo para sa inyong pangangaso ipakasal lamang ninyo sa akin si Prinsesa Alindaya,” pahayag ng panauhin.
“Kung matutupad mo ang iyong sinabi ay ibibigay ko sa iyo ang kamay ng aking anak,” mabilis na pasiya ng Datu.
Madaling kumuha ng isang maliit na batumbuhay ang salamangkero. Ito’y parang isang batong mutya. Itinanim niya itong tila isang binhin ng halaman. Biglang-biglang sumipot sa pinagtamnan ang isang maliit na puno. Tumaas nang tumaas iyon. Lumaki nang lumaki hanggang sa maging isang bundok.
“Aba, anong laking bundok! Di ba iyan tumubo sa itinanim na batong mutya ng salamangkero?” paksa ng usapan ng mga tao.
Samantala sa palasyo, iniluhang gayon na lamang ni Prinsesa Alindaya ang naging pasiya ng ama. Ipinagdamdam niya nang labis na tila siya ay kalakal na ipinagpalit lamang sa isang bundok. At sa lalaki pa naming kanyang kinamumuhian. Laging lumuluha ang magandang prinsesa. Nagkaroon siya ng karamdaman. Naging malubha ang kanyang sakit. Dumating ang araw na itinakda ng Datu sa pagkuha sa kanya ng salamangkero.
“Ikinalulungkot ko na hindi ko mapasasama sa iyo ang aking anak. May sakit ang mahal na prinsesa. Magbalik ka sa ibang araw,” saad ng Datu sa salamangkero.
Umuwing masamang-masama ang loob ng matanda. Galit nag alit siya sa Datu. Sinapantaha niyang gusto na nitong sumira sa usapan. Nagulong gayon na lamang ang kanyang loob. Lagi niyang naiisip si Prinsesa Alindaya at ang kanyang kabiguan. Hindi niya napansing palaki nang palaki ang bundok. Ito’y kanyang nakaligtaan.
“Mahal na Datu, halos natatakpan na po ng bundok ang buong kapatagan. Malapit na pong humangga ang bundok sa tabing-dagat. Wala na pong matitirhan ang mga tao,” sumbong ng matatanda sa Datu.
“Hulihin ngayon din ang salamangkero. Putulan siya ng ulo. Lubhang nakapipinsala sa kaharian ang bundok na pinatubo niya,” mabalasik na utos ng hari. Natakot siya sa maaring mangyari sa kaharian.
Namatay ang salamangkero ngunit patuloy pa rin sa paglaki ang bundok. Araw-araw ay pataas ito nang pataas na lalong ikinabahala ng mga tao. Walang maisipang gawin ang Datu. Palubha nang palubha ang suliranin.
Nakaabot ang balita hanggang sa malalayong kaharian. Nakarating iyon sa pandinig ni Prinsipe Malakas ng Pangasinan. Balita siya sa taglay na lakas at kabutihang loob. Agad siyang naglakbay patungong Masinlok. Humarap sa Datu ang matikas na prinsipe.
“Nakalaan sa inyo ang aking paglilikod, mahal na Datu,” magalang na badya niya.
“Nakalaan akong magbigay ng kaukulang gantimpala. Humiling ka kahit anong bagay kapag nagtagumpay ka. Lunasan mo ang suliranin ng kaharian, Prinsipe ng Pangasinan,” pahayag ng Datu.
“Wala po akong hinihintay na gantimpala, aking Datu. Tayo na sa labas.”
Si Alindaya na noo’y magaling na ay naganyak sa tinig ng panauhin. Sumilip siya sa siwang ng pintuan. Malakas na malakas ang pitlag ng puso ng dalaga.
Nanaog ang Datu pati ang prinsipe. Madali nilang sinapit ang paanan ng bundok.
Sa isang kisapmata, binunot ng prinsipe ang bundok. Parang pagbunot lamang ng isang maliit na punong-kahoy. At sa isang iglap din, ipinatong niya iyon sa kanyang likod na walang iniwan sa pagbalikat ng tinudlang baboy-ramo. Mabilis din siyang humakbang na papalayo at ihinagis ang bundok sa lugal na kinaroroonan nito ngayon.
Bumalik ang prinsipe at ang Datu sa palasyo sa gitna ng pagbubunying mga tao. Galak na galak ang kaharian. Pagdating sa palasyo, niyakap ng Datu ang prinsipe. Iniutos niya ang malaking pagdiriwang para sa karangalan ng prinsipe noon ding gabing iyon.
Gabi ng kasiyahan, nagsasayaw noon ang prinsesa pagkat nahilingan ng amang Datu. Walang alis ang tingin ng prinsipe sa magandang mananayaw. Nabatubalani siya ng magandang prinsesa. Walang humpay ang palakpak ng prinsipe matapos ang pagsasayaw nito.
Kiming umupo ang prinsesa sa tabi ng Datu. Siya’y tahimik na nakatungo.
“Ang aking anak, si Prinsesa Alindaya, mahal na prinsipe, nakangiting pagpapakilala ng Datu. Yumukod ang prinsipe at ang prinsesa nama’y nag-ukol ng matamis na ngiti.
Walang alis ang paningin ni Prinsipe Malakas sa dalaga. Hindi matagalan ng prinsesa ang kabigha-bighaning titig ng prinsipe.
“May sasabihin ka, Prinsipe Malakas?” tanong ng hari upang basagin ang katahimikan.
“Hinihingi ko ang inyong pahintulot na makausap ko ang mahal na prinsesa, mahal na Datu,” ang hiling ng prinsipe.
“Higit pa sa riyan ang maibibigay ko,” sang-ayon ng Datu.
Hindi nagtagal at nasaksihan sa Masinlok ang marangyang kasal nina Prinsesa Alindaya at Prinsipe ng Pangasinan. Nagsaya ang kaharian sa loob ng anim na araw.
Samantala, ang guwang na nilikha ng pagkabunot sa bundok ay napuno ng tubig ito’y naging isang lawa.
Naging maganda at matulain ang lawang ito na tinawag ng mga tao na “Lawa ni Alindaya” sapagkat nagpapagunita ng kagandahan ng prinsesa at ng pag-ibig niyang siyang dahilan ng pagkakaron ng Bundok na Pinatubo.

Alamat ng Mayon

Noong unang panahon, sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Rajah. Siya ay may anak na kaakit-akit na ang palayaw sa kanya ng mga tao sa Daragang Magayon na ang kahuluga’y “Magandang Dalaga.”
Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di mabilang na mga datu at mga ginoong tanyag ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Rajah sa kanugnog na kaharian. Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging kanya pagdating ng araw.
Mula sa malayong Katagalugan narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan, malapi sa munting ilog, nakita ang dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya’y ang binibini’y nagtampisaw sa batis. Ang binata’y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang kanyang pansin. Nagkatitigan sila at ang binata’y nginitian.
Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito’y nagsalita, “Magandang Mutya, mula ako sa malayo upang ikaw ay sadyain at Makita ang tangi mong kariktan!”
“Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang pangahas!”
“Ako’y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit ditto. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at ako’y masisiyahan na!”
Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at ito’y kagyat na idinampi sa kaliwang dibdib.
“Maaari bang kita’y makitang muli?”
At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis.
“Isang araw,” mungkahi ng lalaki, “kita’y iniibig. Tayo’y pakasal!”
“Ngunit ang Rajah? Ang aking ama?” may alinlangang paliwanag. “Dapat niyang malaman!”
“Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang kamay mo sa kanya!”
Pumayag ang Rajah. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang at nakakahalina kung kumilos. Itinakda ng Rajah ang kasal sa pagbibilog ng buwan, matapos ang anihan.
Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang kasalan. Kakaunin niya ang ama’t ina at silang tatlo ay babalik sa Albay.
Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang napabalitang pag-iisang-dibdib. Kanyang sinamantala ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya si Daragang Magayon.
Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: “Kung hindi kita makamtan, walang magkakamit sa iyo sinuman!”
Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay niya at sa kanyang ama. Siya’y sumagot, “Ako’y magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!”
Nagtumulin ang mga araw at mga lingo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Malaya. Hindi pa siya nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga’y nakaupo sa duruwangawan at naghihintay.
Nang dumating ang kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan – kainan at sayawan.
Sa gitna ng kasayahandumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang.
“Ako’y naparito upang angkinin ang aking nobya!” sabi ni Malaya.
“Hindi maaari!” tugon ni Kauen.
Nagkaroon ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malay ay subok sa espada subalit si Kauen naman ay malansi at mapaglalang.
Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo upang pumagitna at sawayin ang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya ito ngunit pataksil na sinibat ng katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig.
Nagluksa ang Rajah at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa’y ilagak na magkasama sa isang hukay.
Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay tumaas hanggang sa itoy maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis. Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay Daragang Magayon.

Popular Posts

Featured Post

Benefits And Social Privileges Of Senior Citizens