1.30.2011

Mga Bugtong (Riddles) - 1 of 6

Ang bugtong ay isa sa mga kayamanan ng panitikang Tagalog kung saan nilalarawan nito ang pag-uugali, kaisipan, pang-araw-araw na buhay at katutubong paligid ng mga Pilipino. Ito ay madalas na naging palaisipan o pahulaan sa tuwing naglalaro ang mga bata o mag-aaral.

Ang mga sumusunod ay iilan lamang na mga halimbawa:

1. Isang bahay ng mayaman, pinasok ng mangungutang. Kinuha ang kayamanan, ngunit hindi nabawasan.-- Sagot: aklat

2. Buhay na hiram lamang, pinagmulan ng sangkatauhan. -- Sagot: babae

3. Hindi hayop, hindi tao, hindi natin kaanu-ano, ate nating pareho. -- Sagot: atis

4. Tubig kung sa isda, lungga kung sa daga, kung sa tao’y ano kaya? -- Sagot: bahay

5. Bumubuka’y walang bibig, ngumingiti nang tahimik. -- Sagot: bulaklak

6. Nasa malayo at narito, may pakpak at ‘di tao. -- Sagot: balita

7. Sinakit na mabili, saka ipinambigti. -- Sagot: kurbata

8. Isang supot na uling, naroo’t bibitin-bitin. -- Sagot: duhat

9. Tubig na pinagpala, walang makakuha kundi munting bata. -- Sagot: gatas ng ina

10. Isang butil na palay, nakakalatan buong bahay. -- Sagot: ilaw o ilawang gasera

11. Sariling-sarili mo na, ginagamit pa ng iba. -- Sagot: pangalan

12. Nang munti pa’y minamahal, nang lumaki na’y pinugutan. -- Sagot: palay

13. Lima kong ibon, nakatuntong sa lahat ng dahon. -- Sagot: patinig

14. Aling bapor kaya sa Sangmaliwanag ang sa damit natin ay naglalayag? -- Sagot: plantsa

15. Hindi akin, hindi iyo, ari ng lahat ng tao. -- Sagot: mundo

16. Gintong binalot sa pilak; pilak na binalot sa balat. -- Sagot: itlog

17. Lumalakad ang bangka, ang piloto’y nakahiga. -- Sagot: kabaong na may patay

18. Matanda na ang nuno, hindi pa naliligo. -- Sagot: pusa

19. Ako’y may tapat na irog, saan man paroo’y kasunud-sunod; mapatubig ay di nalulunod, mapaapoy ay di nasusunog. -- Sagot: anino

20. Naupo si Itim, sinundot ni Pula; Heto na si Puti, bubuga-buga. -- Sagot: sinaing

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

Featured Post

Benefits And Social Privileges Of Senior Citizens