-Mga halimbawa ng Makata:
Ang Paanyaya
Sa mga kagalang-galang kong mga kamag-aral,
Matapos ang huli nating masaya pero bitin na kasiyahan na pagtitipon sa pugad ng pag-ibig nina Carol at Clarion, ako ay nagmumuni-muni sa kadahilanan at alalaumbaga ako ay nangangarap na maulit muli ang munti nating pagsasaya. At sa pagpaparamdam na rin ni Ellen na muling maganap ang nasabing pagtitipon, ako ay nagdesisyon na rin, na kung kayo ay may panahon sa darating na Sabado ika sampu ng buwan na ito, ikatutuwa ko na makita kayo at makapiling sa aming munting tahanan dito sa San Francisco.
Sa pagkain ay walang problema, sapagkat magpapatay ako ng isa sa aking mga kapitbahay ng sa ganun ay mabawasan rin ang tsismosa o kaya ay magpapa-upo ako ng manok, pero patatayuin ko rin pag-alis nyo. Sa mga mahilig naman sa gulay, marami pang dayaming dapat gapasin sa likod bahay namin kung kaya hindi rin bitin. At sa mahilig sa pagkaing dagat, pupunta ako sa Pacific.... sa Pacific SuperMarket kung saan ang mga isda ay sariwa sapagkat nung mahuli sila at ibalibag sa loob ng lalagyang puro yelo ay nangingisay pa sila. Ito ay tindahan ng mga intsik na sa atin ang tawag ay chek-wa. Marami ring mabibiling sariwang prutas sa tindahan na ito kaya lamang kung may maghahanap ng bagong pitas na mangga, ikinalulungkot kong ipauna na mabibigo kayo sa hiling na ito, subalit huwag kayong malungkot dahil may puno ng saging sa likod namin at sigurado akong matamis ito dahil puro kagat ng ibon at paniki, nangangahulugang ito ay masarap.
Ang inumin, maaaring kayo na ang bahala kaya nga lamang gusto kong iparating kaagad sa inyo na madali akong malasing kung kaya nga ba kapag ako ay nakukumbidang lumabas sa gabi ay nagpapasabi na ako na hindi ako pwedeng gabihin sapagkat hanggang alas-kuwatro lang ako ng madaling araw. Bilin yan ng aking esposa at dahil nagmamahalan kami ay ayoko siyang biguin. Kung sa pagdating nyo rito sa amin at tubig lang ang maihain ko sa inyong inumin, huwag lang kayong masyadong delikado, sapagkat malinis ito. Sinanay ko ang mga anak ko na ang pinapaligo nila ay sahurin sa balde at sinasala ko ito pagkatapos para makatulong sa konserbasyon ng ating mga likas na kayamanan. Huwag kayong mag-alala sa tubig na ito sapagkat imported na ang gamit naming sabon dito at wala ng halong sabong Perla.
Sana ay magkasama-sama tayong muli sa araw na aking itinakda upang sariwaing muli ang ating mga tanging ala-ala. Kung inyong papansinin pinadalhan ko rin kopya ng imbitasyon si kaibigang Dennis dahil alam kong may oras pa para siya mag-impake, kumuha ng tiket sa eroplano, magpaalam sa trabaho, bumili ng pasalubong sa atin at bumiyahe ng higit-kumulang labing-anim na oras para makarating dito galing Maynila.
Inaasahan ko ang inyong pagdalo, mangyaring pakisagot ang pasabi kong ito at sabihin nyo kung kayo ay may panahon. Maraming salamat at ang sabi nga ni Ate Luds: 'saranghamida' po.
Ang inyong lingkod na kamag-aral,
Erick Luna
Ipagpaumanhin Po!
Mga kamag-aral,
Isang mabunying pagbati mula sa mga binabahang isla ng Plipinas! Tugmang-tugma ang liham ng ating pinagpipitagang makata ng San Francisco sa pagdiriwang ng Buwan ng Pambansang Wika ngayong Agosto. Kasiya-siyang isipin na sa kabila ng matagal na pananalagi sa banyagang lupain ay di naibsan ang karunungan sa pananalastas sa pamamagitan ng ating wikang Pilipino.
Ukol naman sa paanyaya, ikinalulungkot ko na ako ay di makakadalo sa kadahilanang may pagpupulong ang ating mga kamag-aral dito sa araw ding yaon. Kung hindi sana ay malugod akong sasakay sa salimpapaw at makikisalo sa inyong kasiyahan. Ano ba dapat ang pagbati pagdating sa tahanan mo Erick? Isa bang tumataginting na "Maligayang Kaarawan?"
Eh ano pa nga ba ang aking magagawa kundi mainggit sa inyong muling pagtitipon. Huwag kalimutan ang mga larawan at pelikula, hane? Kamusta po sa lahat!
Dennis
Sasama Ako!
aking pong ikinasisiya
ang inyong paanyaya
at kayo'y makaka-asa
sa pagkain, ako'y magpapasasa
sa aking mga dating kamag-aral
akin pong ikinararangal
na maging pangunahing pang-dangal
huwag na po kayong umangal
ngunit aking ikinalulungkot
na si dennis ay hindi makakaabot
kahit umpisahan na niyang magpalaot
sa kanyang amo, siya ay malalagot
aking ikinasasabik ang pagsalakay sa bahay ni erick
siguradong marami na namang gimik
at bahay nila'y di matatahimik
sa pagkain ay walang problema
ako po ay handang magdala
sabihin lang hanggang maaga
baka mabili ay saging na nilaga
erick, tungkol sa inumin
na sa amin ay iyong ihahain
iinumin ko kahit na gin
huwag lang ang ipinaligo ng iyong supling
kaya't sa darating na halalan
huwag pong kalilimutan
jett valera ang pangalan
nagmamahal sa inang bayan
ang utak ko ay napiga
sa pag-iisip ng makatang kataga
isang libo't, isang laksa
buong bansa, eat bulaga!
you're the weakest link
goodbye!
Jett
May Hindi Sasama
kalakip ng sulat na ito ay ang magalang na pasabi
hindi daw makakarating ang ating kaibigan si Rolly
anuman ang kanyang dahilan wala akong pagdaramdam
dahil importante ang pamilya kaysa sa ating pag-aasam
tulad din ng sinabi ko kay kaibigang Dennis
hindi man siya makarating, di ako maiinis
subalit umasa ka Rolly kahit kami ay iyong natiis
mga bisitang nabanggit, sa bahay ko ay maglilinis
ito ay para rin sa kanila, 'pagkat sila ay busog na
ng matagtag naman ang na-chibug nila
concern lang ako, maniwala kayo
ito ay totoo dahil mahirap na ang maimpatso
isang pagsagot na lang ang aking hinihintay
kumpirmasyon ni Carol, na dati'y Miss Pasay
isama mo na rin si Clarion at iyong isabay
ng malibang naman at huwag mong iwan sa bahay
kung mayroon sa inyo ng kailangan ng pamasahe
pagpunta dito ay simple, maaga lang kayong magsabe
napapagod na ako at medyo nangangamote
sa kaiisip ng salita na patula ang mensahe
kaya mga kamag-aral, sa na araw itinakda
aasahan ko kayo at ako ay maghahanda
pati ang paborito ni Ellen, bangus na isda
umasa kayo na ito ay sariwa at hindi bilasa
hanggang dito na muna ang aking paanyaya
sasabihan ko kayo pag tuloy-na tuloy na
sa darating na eleksyon, pangalan ay Erick Luna
huwag kalilimutan, kasama nyo sa twina.
Erick
Maagang Paanyaya
Sa mga minamahal kong kamag-aral:
Nais ko sanang ngayo'y magsabi na,
sa susunod na taon pagdating ng aking pamilya
Ako sa inyo ay mag-aanyaya,
upang tayo ay muling magkasama-sama.
Bagama't sa ngayon ,
di pa napapanahon,
itong aking napakaagang imbitasyon.
Ngunit akin lamang na nilalayon,
mapaghandaan ating muling pagtitipon
Sana kaibigang Rollie sa susunod na pagkakataon,
kami ay mabigyan mo ng kahit konting panahon
Mga naging kaibigan at kamag-aral mo noon,
kabalikat pa rin magpa hanggang ngayon.
Kahit mahigit dalawampung taon na ang nakalipas,
maraming dahon at ngipin na rin ang nalagas
Kaming mga kaibigan mo'y di pa rin kumukupas,
maasahan mo sa anumang oras.
Ating panauhing pandangal na si Dennis,
nawa'y payagan ng amo niya at muling makaalis
Upang pagkatapos ng kainan at oras na ng paglilinis,
ako'y matulungan niya kahit man lang magwalis-walis .
Hanggang dito na lamang suko nang talaga,
sa pakikipagtalastasan ako'y wala nang ibuga
Kung danga't ito lamang na si Elenita,
nakikipagsabayan sa magigiting nating makata.
O ano, ayos ba mga katoto?
Ellen
Kamanghamangha!
Sa mga makata kong kamag-aral,
sumakit po ang aking tiyan
sampu ng aking buong katawan
sanhi ng walang tigil na tawa
sa iyong mga makatang kataga!
dinggin ang aking munting payo
para sa ating makatang katoto
sa ating web site ito ay ilathala
nang mga kamag-aral ay matulala!
Dennis
Bakit nga ba hindi?
humayo ka kaibigan
gawin ang iyong kagustuhan
di ka namin tatangihan
sa iyong kahilingan
danga't nga lang ang aming kakayahan
ay hindi kahintulad sa mga nakagiliwan
babasahin natin sa mataas na paaralan
hindi ang tikatik, liwayway at aliwan
mataimtim na pasasalamat
sa iyo ay nararapat
at naisipan mo, na kami ay iulat
ngunit sa susunod ay pera na ang katapat
ibig lang ipaalam
kami man ay nangibang bayan
malayo man sa pamilya at mga kaibigan
di kami nakakalimot sa lupang sinilangan
sa hindi ma-aaliw sa aming tulang ito
iisa lamang ang aking maipapayo
taos puso kong sasabihin sa inyo
sa barangay na lang po, kayo mag-reklamo
Jett
May Pahabol Pa!
Ako'y namangha pero hindi nabigla
sa galing at husay ng mga kaibigang makata
kahit na sila ay nasa ibang bansa
ay di nalilimot ang sariling wika
kung iyong babalikan ito ay nagsimula
sa simpleng imbitasyon at paanyaya
ng inyong likod na kahit na dukha
ay bukas ang tahanan sa sinumang mukha
kung inyong binabalak na ito ay ilathala
nangangamba ako na ang babasa ay mabigla
baka akalain nila na lahat ito ay tula
pagkatapos basahin ay maging mga makata
sana'y linawin sa mga babasa sa hinaharap
na ang mga nakatalang salita na nasagap
ay HINDI patula ang bigkas kundi pa-RAP
kaya, tira na, yo baby, wachadoin', wassssssssssup!!!!!!
hehehehehehehehehe! huli kayo!
Erick