Showing posts with label Alamat. Show all posts
Showing posts with label Alamat. Show all posts

2.10.2011

Alamat ng Sampalok

Sa isang komunidad ay amy matapobreng donyang sobra sa sungit. Wala itong kinikilalang kapitbahay. Kailangang lagi mo siyang tinatawag na donya upang hindi ka niya ingusan at sigaw-sigawan.
Kapag may kalamidad tulad ng bagyo, sunog, o lindol na lubhang nakaapekto sa mga kapitbahay ay wala siya isa mang tinutulungan. Ang lahat ng kayamanan ay kanyang iniingatan. Gusto niyang lagi itong nadadagdagan upang mapanatili raw niya ang kasaganaan habambuhay.
Sa kawalan ng puso ng donya ay malayo ang damdamin ng mga kababayan niya. Kapag bumababa sa malapalasyong bahay at sumakay sa ipinagyayabang na karwahe ay parang wala siyang sinumang nakikita. Para sa kanya pinakamayaman siya at pawang maralitang dapat tapak-tapakan ang lahat na.
Sa panunuod ng mga sarsuela sa plaza ay kailangang ipagdala siya ng silya ng mga katulong na inaapi-api niya. Gusto niyang pag-usapan ng lahat ang bago niyang baro at saya.
Sa pagsisimba sa kapilya gusting-gusto rin niyang sa harapan siya nakikita. Laging may dalawa siyang katulong na nagsasalit magpaypay sa kaniya. Kapag bigayan na ng abuloy sa simbahan ay parang bulag siyang walang nakikita. Ayaw niya kasing mabawasan kahit katiting ang iniingatang kayamanan na hindi naman niya madadala sa libingan.
Kapag nagdadaan ang prusisyon sa lansangan ay makikitang buong rangyang nagliliwanag ang malalaking bintana ng donya. Ngingisi-ngisi siyang nanunungaw na para bang nagpapahayag sa lahat na tanging ang bahay niya ang pinakamalaki at pinakamaganda na dapat tingnan lamang at kaingitan.
Iyan ang donyang makasarili at mayabang. Walang panahon sa mga kapitbahay at tuwang-tuwang nakauungos sa lahat ng bagay.
Isang tanghali ay galit nag alit ang donya sapagkat nagambala ng nagkakaingay na mga bata ang prenteng-prenteng pagtulog niya. Sumagsag siyang pababa. Nakita niyang nag-aagawan ang mga bata sa mga buto ng halamang ipinamimigay ng isang matandang pulubi.
“Hoy pulubi! Bakit mo ipinamumudmod ang mga butong iyan sa oras ng pagtulog ko ha?” nanggagalaiting tanong ng ganid na donya.
“Pa…pasensya na po kayo. Hindi ko po alam na natutulog kayo,” pagmamakaawa ng pulubi.
“Pasensya, naistorbo mo na ang pagtulog ng reyna ngayon ka pa magdidispensa? Hoy mga bata, huwag na huwag kayong mag-iingay sa harap ng bahay ko oras-oras, minu-minuto. Kung hindi ay matitikman ninyo ang galit ko!” asar na sigaw ng donyang walang pinahahalagahan.
Napaurong ang nanginginig na mga bata nang paghahablutin ng donya ang matitigas na butong tangan-tangan nila.
“Dahil sa mga batang ito nagising tuloy ako. Sige mabahong pulubi, lumayas ka na!. Kay rin mga pesteng bata kayo, umalis kayo sa harap ko!. Alis ngayon din, pronto!”
Nang mapag-isa ang mapang-aping donya ay galit na galit na itinapon nito ang mga buto sa bakuran.
Isang lingo lang ang lumipas ay nagulat ang donya nang matanaw niya sa bakuran ang naglalakihang mga halaman. Natitiyak niyang ang mga iyon ang mga butong ipinamahagi ng pulubi sa mga bata.
Hindi nagtagal ang mga halaman ay naging matataas na puno. Takang-taka ang donya nang mamunga ang mga ibinato niyang mga buto. Pagkatatamis at matuwid na matuwid ang mga bunga ng mga punong may malalabay na mga sanga.
Isang hapong masayang pinagmasdan ng donya ang mga punong hitik sa bunga ay nasulyapan niya ang nakagalitang mga bata na titinga-tingala.
“Pwede po bang makahingi?” gutom na nakikiusap ang mga bata.
“Ano, pahingi? Ako ang nagtanim at nagdilig bakit kailangang manghingi kayo? Mga walang modo! Parang wala kayong mga magulang na nagtuturo sa inyo. Umalis kayo ngayon dito. Bilisan ninyo!”
Upang mapabilis ang pagpapaalis ay kumuha ng timba ng tubig ang donya. Humahalakhak na pinagbabasa nito ang mga paslit na bata na ginaw na ginaw at lubhang kaawa-awa.
Sa di kalayuan ay biglang sumulpot mula sa kawalan ang uugud-ugod na pulubi. Alam niyang nagmamalabis na naman ang donya kaya napilitang lumapit siya. Nagmakaawa siyang bigyan man lang siya ng kahit ilang bunga ng mga punong nagsitubo sa malawak na bakuran.
“Hoy pulubi heto ka na naman. Dati ay inistorbo mo ako sa pagtulog. Ngayon nama’y humihingi ka ng ipagtatawid gutom. Ayokong makita ang pagmumukha mo. Lumayas ka, layas!”
Hindi tuminag sa pagkakatayo ang matanda.
“Sobra ka na! Ang nagugutom ay dapat mong pakainin. Ang nauuhaw ay dapat mong painumin!”
“Kahit kumpul-kumpol ang matatamis na bunga ng mga punong ito ay ipagdadamot ko sa iyo. Wala akong pakialam kung magutom ka man. Ang mahalaga ay kinaiinggitan ng lahat ang mga punong tumubo sa aking bakuran.”
“Ka…kahit na isa man lang. Kaawaan mo na ang isang matandang katulad ko na hilahod na sa gutom.”
“Kahit na kaputol ay di kita bibigyan. Manigas ka riyan sa gutom.”
Akmang papanhik na ang donya nang biglang habulin ng pulubi ang nahuhulog na kumpol na mga bunga.
Sa sobrang galit ng donya ay sinundan kaagad nito ang yuyuko sanang pulubi. Hinablot ng matapobre ang braso ng matanda at isang malakas na sampal ang pinadapo nito sa kaliwang pisngi ng pobre. Ang lakas ng sampal ay ikinatumba at ikinasadlak ng pulubi sa maalikabok na bakuran ng gahaman.
Nanginginig na tumindig ang pulubi at sa isang marangal na tinig ay nangusap, “Kaawa-awa ka Petronila.” Takang-taka ang donya pagkat alam ng pulubi ang tunay na pangalan niya. “Pulubi nga ako pero busilak naman ang puso ko. Ang ibinibigay ko lamang ay anumang aking nakakayanan. Ang mga buto ng halamang namumunga sa iyong bakuran ay mga butong nakaya kong ihandog sa mga pobreng batang tumulong sa akin upang makatawid ako sa tulay na baging na natatanaw mo mula rito. Mga buto lang iyan na pinagkaguluhan at pinagkatuwaan lang nilang paghati-hatian. Mga butong inagaw mo sa kanila na ngayong namunga ay ipinagkait mong hatian sila. Isinusumpa kong magiging maasim ang bunga ng punong iyan. Matuto ka sanang magpakababa sapagkat mamamatay din tayo at ang lupang tinutuntungan natin ay siya ring lupang sa atin ay maglilibing.”
Pagkasabi nito ay tumalikod na ang matanda. Kinabahan ang donya lalo na nang ang mga bunga ng mga punong nasa harap ay nagsiurong at nagmistulang ga daliring nanduduro.
“Lo…lola patawarin ninyo ako,” lumuluhang sabi ng mapagmataas na donya. Pero kahit na anong alok na ihain ay hindi na lumingon pa ang pulubing tila magliliwanag ang katauhan sa mataos na kabaitan.
“Sinampal mo ako tapos inalok?” gumagaralgal pa rin ang tinig ng pulubi na sa isang iglap ay nagging liwanag na nakasisilaw. Nang mawala sa harap niya ang matanda ay napaluhod ang donya sa malaking misteryong naganap sa kanya.
Sapagkat sumampal tapos ay nag-alok, ang prutas na umasim mula noon ay tinawag nang Sampal-Ok na sa paglipas ng mga taon ay naging Sampalok. Diyan nagsimula ang alamat ng Sampalok.

2.09.2011

Alamat ng Mindanao

Mayroon isang Sultan sa isang pulo na kilala hindi lamang dahil siya ay isang dugong bughaw, kundi dahil rin sa kanyang katangian. Di lamang siya mayaman, si Sultan Gutang ay matapang, magandang lalaki at may matipunong pangangatawan. Si Sultan ay may natatanging anak, bukod sa isang prinsesa , nakakaakit ang kanyang kagandahan. Saan ka man maparoon, usap-usapan ang kagandahang niyang taglay. Prinsesa Minda ang ngalan niya. Dahil sa tanyag na kagandahan ni Minda, maraming tagahanga ito saan dako ng karatig pook. Marami ang nanliligaw: mga mayayaman, matalino, at may dugo ring maharlika. Dahil nga sa dami ng masugid na tagahanga nito, walang tulak siyangkabigin. Kaya minarapat ni Sultan Gutang na magkaroon ng isang pagsubok upang malaman kung sino ang higit na mapalad at karapat-dapat sa kanyang anak na si Prinsesa Minda.
Nangyari nga ang ibig ng Sultan. Marami ang sumubok sa layuning makuha ang kamay ni Minda. Halos lahat ng sumubok at nagwagi sa una at ikalawang pagsubok, ngunit nabigo sa ikatlo. Ngunit may isang prinsipe ang nagaasm-asam na sumubok sa mga patakaran ng nasabing sultan. Ngunit, bago siya sumali sa palahok, matinding pag-iisip ang kanyang ginugol. Dahil sa una ay sigurado siyang magtatagumpay, ang ikalawa ay sigurado siyang mabibigo. Kaya’t muling nag-iisip . Napagpasyahan niyang humiram ng mga kaing-kaing na ang mga ginto mula sa kanyang mga kaibigang mayayaman at prinsipe upang makabuo ng labintatlong tiklis ng ginto. Dahil ang ikalawang pagsubok ay kung paano mahihigitan ang kayamanan ng Sultan.
Lalong nabuhayan ng loob ang prinsipe sa mga pagkakataon na kapag nagkakatinginan sila ng prinsesa ay para na ri siyang humahanga sa kanya. Dahil di kaila ang kagandahang lalaki ng prinsipe at kakisigan. Nabatid ng prinsipe na may pagtingin din ang prinsesa.
Sinimulan n a ang unang pagsubok kay Prinsipe Lanao sa pagsasalaysay niya sa kanyang mga ninuno mula sa umpisa hanggang sa sampung henerasyon. Higit ang tuwa niya ng makapasa sa unang pagsubok sa dahilang hindi totoo ang ika-sampung henerasyon dahil ito ay may halong imbento lamang.
Agad sumunod ang ikalawang pagsubok. Tinanong ng Sultan kung gaano karami ang kanyang dalang ginto. Agad siyang sumagot na labintatlong kaing. Walang duda ang tagumpay ni Prinsipe Lanao sa ikalawang pagsubok dahil may pito lamang tiklis nag into mayroon ang Sultan.
Ang hulong pagsubok ay agad din pinabatid sa Prinsipe kung ano ang dapat na sumunod niayang gagawin pang ganap nang mapasakamay ang mayuming si Prinsesa Minda. Pagtulay sa lubid ang ikatlong pagsubok. Pagtulay sa lubid na kapag ikaw ay nahulog sa isang malalim na bangin ay sigurado ang iyong kamatayan .
Pinagpabukas pa ang huling pagsubok upang makapagpahinga ang binata. Subali’t lingid sa kaalaman ng binata na kaya pala ipinagpabukas pa ay upang mapaghandaan din ng Sultan ang gagawing patibong upang ang Prinsipe ay hindi magtagumpay. Kaagad na lumisan si Prinsipe Lanao upang makapagpahinga at mapag-aralan ang kanyang plano para sa darating na pagsubok kinabukasan.
Subali’t si Prinsesa Minda ay may nabalitaan na may patibong na ilalagay ang mga tauhan ng Sultan upang mahulog ang Prinsipe.Agad na pinasiyast ni Prinsesa Minda kung ano ang ilalagay na patibong. Napag-alaman ng katulong na kakabitan ng tali an gang lubid na tatawiran ng Pinsipe na siyang magiging dahilan ng pag-uga ng lubid na magiging dahilan ng pagkahulog ng Prinsipe.
Dahil sa nabatid na patibong, kaagad na tinanggal ng mga katulong ang patibong upang walang maging balakid sa pagtawid ng butihing Prinsipe. Pagdating kinaumagahan ay naganap ang pagsubok na siya namng pinagtagumpayan ng Prinsipe. Walang nagawa ang Sultan kundi tuparin ang pangakong kasalan. Nang mamana ng Prinsipe, ang pamamahala ng lugar, marami ang nasiyahan sa pamamalakad ng mag-asawa sa pulo at mula noon pinangalanan ang isla ng Mindanao na hango sa pangalang Minda at Lanao.

Alamat ng Hagdan-hagdan Palayan sa Ifugao

Ang guro sa Banaue ay kinakausap ng isang lider ng sitio. Ang sabi n glider, “Ipinagmamalaki ng Banaue ang kanyang alamat na bantog na nantog sa buong Bulubundukin. Ang Ifugao Rice Terraces ay ikawalong himala sa daigdig. Alam mo ba kung paano nagmula ito?” Si G. Malintong ang guro ay sumagot, “Ikinslulungkot ko hindi ko po alam. Gusto ko sanang pakinggan.”
Nagsimula ang pagkukwento an glider habang ngumunguya-nguya ng buyo. “Noong pang kaunas-unahang panahon ang mga tao sa Bulubundukin ay may mga kaya sa buhay. Dahil sa kanilang kasaganahan ay nakalimot tuloy sila sa Diyos. Si Kabunian ay nagalit kaya pinarusahan ang mga mamamayan. Umulan ng walang patid kaya nagkaroon ng malaking baha. Tumaas ng tumaas ang tubig hanggang wala nang Makita sa paligid liban sa mga Bundok ng Pulog at Anuyao. Ang lahat ng may buhay ay nangalunod. Namatay lahat ng mga tao at ang natira lamang ay si Wigan at Bugan nam,a’y sa Bundok ng Anuyao. Nais magluto ni Wigansubali’t walang apoy. Kanyang natanaw na may liwanag na nagmumula sa bundok ng Anuyao. Kahit di pa gasinong lumalaki ang baha, kanyang nilangoy ang bundok. Siya’y tinanggap ni Bugan ng buong kasiyahan.
Nang sumunod na araw ay humupa na ng patuluyan ang baha kaya ang dalawa ay lumusong sa bundok ng Anuyao. Spagka’t napag-alaman nila na walang natira sa kanilang tribo, nang magpatuloy ang buhay, sila’y nagsama bilang mag-asawa. Ang dalawang ito’y nag-isang dibdib, pati ang kanilang mga inaanak ay ang pangasawahan din kaya hindi nagtagal dumami ang tao.
Lumipas ang taon. Isang araw si Kabagan, isa sa mga apo ni Duntungan ay nagtanim ng palay sa banlikan. Ang dakilang Diyos ay nagpakita sa kaniya aat nagsalita, “Kilala kitang mabuting tao.Dapat gantimpalaan kita sa iyong trabaho. Kung sususndin moa ang aking mga tagubilin, kakasihan ka ng mga Diyoses.” “Anong gusto mong gawin ko, Kabunian?”
Ang Dakilang Diyos ay sumagot, “Sabihin mo sa mga tao na gumawa ng cañaoaraw at gabi ng tatlong araw na sinkad upang ako’y ipagbunyi. Kung ako’y msiyahan, uunlad ang inyong tribo.”
Ipinag-bigay alam ni Kabagan sa ulo ng tribno ang kanyang narinig. Nagsimula ang paghahanda hangagng sa matupad ang nasabing seremonya kay Kabunian. Kinabukasan, si Kabaganay nagpunta sa kanyang taniman ng palay. Samantalang nagtatrabaho, napakita uli sa kanya ni Kabunian. Siya’y nagsalita, “Mabuti anak. Ako’y nasiyahan sa inyong parangal. Makinig ka ito ang aking gantimpala. Kita’y bibigyan ng aking supling ng palay na kung tawagi’y inbagar. Kinuha ko ito sa mahiwagang batis. Itanim sa iyong tumana. Ang tumana sa lahat ng oras ay dapat puno ng tubig. Magtayo ka ng dike sa paligid ngiyong taniman. Ang malapot na putik at ang batonngbuhay na yaon,” tuloy turo sa duminding, ‘ ay kaloob ng Diyos. Hala, sundin mo ang aking tagubilin at umasa kang sa mga teres ay makikipagtagalan sa panahon.”
“Salamat po, Diyos ko,” ag sagot ni Kabagan nang buong pakumbaba. Nagsimulang magtayo ng dike si Kabagan. Kanyang itinayo ang teres ng palay na ayon sa tagubilin ng Kabunian. Nagsigaya ang mga kapitbahay ni Kabanagan. Ang lahat ay tumulad hanggang ang buong Ipugaw ay ay natalikupan ng mga teres na ngayo’y ating ipinagmalaki-hagdan-hagdang taniman ng palay na itinayo ng ating mga ninuno, isang obra maestro ng inhenyeriya.

Alamat ng Kanlaon

Ang mga taga-Negros sa Bisayas noong araw ay namumuhay na tiwasay at mariwasa. Ang pangalan ng kanilang hari ay Laon, isang taong may magandang kalooban. Ang mga tao roon ay nagsisigawa sa kanyang bukid at sila’y kahati sa ani.
Isang araw ay umuulan, at ang ulan ay lumakas ng lumakas hanggang sa bumaba sa bukid; anupa’t ang tubig ay umapaw hanggang tuhod, at tumaas hanggang baywang, at nagpatuly ng paglaki hanggang liig.
Ang mga tao ay natigatig at naisip nila na masisira ang kanilang mga pananim.
Palibhasa’y mahal ng hari ang mga taoat naisip niyang nawala na ang aanihin huwag lamang mawala ang mga tao. Tinipon ng hari ang lahat ng kampon niya at sinabi, “Gumawa kayo ng mataas na bunton ng lupa.” Sumagot ang mga kampon, “Kami po ay walang mga kasangkapan.”
Iwinagayway ng hari ang kanyang birang at pagdaka’y nagkaroon na ngmga piko at pala.
Sinabi ng mga kampon, “Wala po kaming mga bato. Ang bunton po ng lupa ay kaylangan naliligiran ng mga bato.”
Sa hulung wagyway ng birang ay nagkaroon na ng lahat ng kailangan.
Sa sikap at tiyaga ng mga kampon ay nagkaroon ng malaking bundok. Ang nagging taas ng taluktok ng bundok ay 6,000 talampakan. Duon sila tumahan hanggang sa humupa ang tubig. Nagpatuloy pa rin sila sa paggawa, nagsihukay sila ng bambang na tungo sa dagat upang siyang lagusan ng tubig ng sa gayon ay humupa ang tubig sa baha.
May isang malaking ahas na tumira sa bundok na yaon. Ang ahas ay may pitong ulong kakila-kilabot. Ang kulay ng mata ay luntian at ang ihinihinga ay kakatwa, na kung araw ay usok at kung gabi ay apoy.
Isang araw ay may dumating na isang binata na ang pangalan ay Kan. Siya’y makisig at mahiwaga. Nalalaman niya ang ligalig sa bayan at sinabi niya, “Papatayin ko ang ahas. Hindi ako natatakot.”
Sinabi ng hari. “Patayin mo ang ahas at paglkakalooba kita ng mga gabok nag into at ang aking anak ay ipagkakaloob ko rin sayo upang maging asawa.”
Inihanda ng binata ang plano sa pagpatay sa ahas. Dahil sa may kapangyarihan siya sa mga hayop, tinawag niya ang mga langgam at iniutos niya, “Magsigapang kayo sa buong katawan niya at inyong kagatin.”
Tinawag niya ang mga putakti at iniutos niya sa kanila, “Pupugin ninyo ang kanyang mga mata hanggang sa mabulag.”
Tinawag niya ang mga uwak at iniutos, “Inyong kamutin at tukain ang kanyang ulo at katawan hanggang sa mamatay.”
Sila’y sumunod.Ang ahas ay kanilang napatay.
Pinugot ni Kan ang pitong ulo ng ahas. Ang mga ulong iyon ay inialay sa haring Laon, at mula noon ay matiwasay na namuhay muli ang mga taga-Negros. Ang binatang si Kan ay nagkamit ng yaman at napangasawa ang anak ng hari.
Inaalala ng mga taa roo ang binata at ang hari. Ang bundok ay pinangalanang Kan-Laon at ng magtagal ito’y nagging Kanlaon, bilang parangal kay Kan at Haring Laon.

Alamat ng Ilog Pasig

Payapa ang gabi noon,nagningningan ang mga talasa langit. Nagsisislbing ilaw ang liwanag sa buwan sa kapaligiran. Isang binata’t dalaga ang nagpapalamig sa simoy ng hangin sa gabi. Nagawian na nilang mamangka tuwing kabilugan ng buwan. Napagkasyahan ng magkasintahan na mamangka sa ilog. Dayuhang Kastila ang nasabing binata at mayuming dalagang Pilipina ang isa. Magiliw na nanonood sa kumikinang na tala ang dalaga habang sumasagwan ang binata.
Masayang nagkukwentuhan ang dalawa sa gitna ng gabi na pumalaot sa ilog. Ngunit may napansin ang dalaga. Sa gitna ng dilim ay may magandang bulaklak ang nakita ang dalaga na nakalutang sa tubig. Agad niya itong inabot. Subalit sa pag-bot niyang iyon, ang bangkang kanilang sinasakyan ay nawala sa balance at nahulog ang binata. Sa di inaasahan, ang binata ay hindi marunong lumangoy. Sa bawat paglutang ng binata mula sa pagkalubog , tinatawag niya si Paz na tulungan siyang makaahon.
“Paz sigueme! Paz, sigueme!” Ang salitang ito ay Kastila na ang ibig sabihin ay sagipin mo ako. Sa kasawiang palad, hindi natulungan ng dalaga ang binata. Ang huling salitang nabanggit ng binata ay “Paz sig!” Hindi na muling lumutang ang binata at tuluyan na itong nalunod. Dahil sa pangyayaring ito ang ilog ay tinawag nang “Pasig” o Ilog Pasig.

Alamat ng Rosas

Noong araw ay may isang magandang dalagang nagngangalang “Rosa,” na balita sa kanyang angking kagandahan, kayumian, at kabaitan. Maraming nangangayupapa sa kanyang kagandahan. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya mapusuan.
Dahil ang gusto ni Rosa ay ang maglingkod sa Panginoon at sa pagtulong sa mga nangangailangan ng kanyang tulong. Ngunit si Cristobal, isang mahigpit niyang mangingibig, ay di makapapayag na di mapasakanya ang dalaga, at ito’y nagtangkang agawin si Rosa at dinala ito sa hardin.
Ngunit nananalangin si Rosa sa Panginoon at noon di’y siya’y naging bangkay. Sa takot ni Cristobal ay ibinaon niya ang dalaga sa bakuran nito at saka siya lumayo sa pook na iyon upang di na magbalik kailanman.
Mula noon ay hindi na nakita ng mga taga roon si Rosa. Sa halip, sa bakuran nito ay may isang halamang tumubo na may bulaklak ngunit paghawak sa tangkay nito ay mapapasigaw ka dahil sa talas ng tinik ng halamang hinahawakan. Dahil niloob ito ng Panginoon na gawing bulaklak si Rosa na ang tangkay ay may mga tinik na tagapangalaga rito upang di-pagnasaang pupulin lamang ng sinuman.

Alamat ng Sampaguita

Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.

Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.

Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.

Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita — walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya’t kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.

Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.

“Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan, ” na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka’t tunay na isang pagnanakaw.”

Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. “Sabihin niyo sa inyong datu,” ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno.”

Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.

Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.

Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo’y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.

Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.

Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.




Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. “Sumpa kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa’t sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.

Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad – Si Delfin at si Rosita. Samantala….


Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.

Alamat ng Taal

Mayroon isang Datu na bukod na kapita-pitagan ang kanyang reputasyon, mabuti siyang pinuno, maayos at maganda ang pamamalakad sa kanyang nasasakupan. Datu Balinda ang tawag sa kanya. Ang kanyang balangay ay matatagpuan din ang balangay ng Batangan.
Isang nililiyag na anak na babae ang madalas pagtuunan ng Datu. Bukod sa kaisa-isa lamang, magigiliw ka sa taglay nitong katangian. Maganda, mayumi at mahinhin si Taalita at mapagmahal sa sariling tradisyon at kultura. Prinsesa Lita o Taalita ang tawag sa kanya, na ang kahulugan ay Taal sa Tagalog at puspos ng ugaling kinagisnan.
Masasabing si Prinsesa Taal ay mahahalintulad sa pausbong na bulaklak na wala pang nakakadapong bubuyog upang higuping ang tamis ng kanyang pagmamahal. Ang kanyang kutis ay sariwa at humahalimuyak.
Dahil ang tirahan nila ay malapit sa lawa, nakahiligan ng Prinsesa Taal ang mamangka pagmalapit ng lumubog ang araw sa Lawa ng Bunbon. Dahil siya ay isang Prinsesa, tinatanuran siya ng kanyang alipin at mga abay.
Mayroon isang pagkakataon, pagkatapos mamangka ay luhaang humarap si Prinsesa Taal sa kanyang ama na si Haring Balinda:
“Ama kong Datu, mapatawad po sana ninyo ako. Mayroon po akong kasalanan na nagawa. Pagkagalit ay huwag mo sanang magawa.”
“Anak, bakit ka umiiyak ano ba ang nagawa mong pagkakamali?”
“Mahal kong ama, nahulog po ang singsing ko sa lawa habang ako’y namamangka,” sagot ni Prinsesa Taal, na animo’y nahihintakutan.
“Ano! Dapat ay nagging maingat ka. Iyan na lamang ang bagay na nagpapaalala sa amin ng iyong ina n gaming pagmamahalan. Ilan ninuno na natin ang napasali-salin sa singsing na iyan. Saksi iyan ng aming sumpaang binigkis ng nasira mong ina.”
“Alam ko pong napakahalaga ng singsing na iyan. Minahal at pinakaingat-ingatan ko ang singsing na iyan gaya ng pagmamahal ko sa aking ina,” sagot ni Prinsesa Taal na lumuluha.
Lumuhod si Prinsesa Taal sa harap ng ama.
“Anak, tumayo ka at huwak ng lumuha. Naguguluhan lamang ako sa narinig kong balita sa narinig k mula sa iyo. Alam mo ban a ang singsing na iyan ay ibinilin pa sa aki8n ng iyong ina bago siya namatay. Sinabi niya sa akin na ipagkaloob ko saiyo tanda ng kanyang pagmamahalat pag-alala sa iyo!”
“Tumahan na anak at ang pagkagalit ko’y kinalimutan ko na,” paamong wika ng Datu.
Niyakap ng Datu si Taal, na halos mapaiyaksa sandaling iyon.
“Huwag ka ng mabalisa, hahanap tayo ng magagaling lumangoy upang sisisrin ang nahulog mong singsing. Maibabalik rin ang singsing at maisusuot sa daliri mo,” paliwanag ng Datu.
“Salamat ng marami po, Ama ko,” ako po’y nagagalak sa pang-unawa ninyo.”
Ilang sandali pa ang lumipas. ” Anak, hindi ba dapat ika’y mag-asawa na. Nasa tamang edad ka na para lumagay sa tahimik. Matanda na rin ako at kailangan ko ang isang matapang na Datu na siyang hahalili sa akin. Kailangan mo rin ng makakasama pag ako’y lumisan na,” pakiusap ng Datu.
“Siya pong mangyayari Ama ko,” Sagot ng Prinsesa.
Nagpaanunsyo kaagad ang Datu saanmang dako upang ipahayag ang kanyang nilalayon. Ipinaalam sa madla na kung sino ang makakakuha sa singsing ang nahulog sa sa Lawa ng Bunbon ay siyang mapapangasawa ng ng mayuming prinsesa.Ang balitang ito ay agad kumalat saanmang dako ng kapuluan. Maraming dugong bughaw ang dumating mula sa iba’t ibang lugar. Kasama rito ang mga Morong Datu myla sa Jolo at Tawi-tawi. Hindi rin nagpahuli ang angkan ni Bukaneg mula sa Kabisayaan at Kabikulan. Hindi rin nagpadaig ang Kapampangan at dumating si Dau Pisot upang subukan ang kapalaran. Sa sinamang palad walang sinuman ang nagtagumpay upang maibalik ang singsing ng prinsesa.
Marami ang araw ang lumipas sa paghihintay ng mag-ama. Pagkainip ang kanilang naramdaman.
Di kalaunan may isang Datu, ang humingi ng tulong sa mga anito. Panalangin tulungan siyang masisid ang nawawalang singsing mula sa Prinsesa. Datu Mulawin ang ngalan ng laslaki at nagmula siya sa Nasugbo.
Matiyaga niyang nilusong ang Lawa ng Bunbon. Mula umaga hanggang hapon. Walang tigil sa paglangoy.
Habang sa pagsisisd ni Datu Mulawin ay may nahuli siyang buteteng laot na malaki ang tiyan.Nagtaka ang lalaki dahil sa maliit na butete ay malaki na agad ang tiyan nito. Ginwa niyang hiwain ang tiyan nito upang malaman ang laman. Ngunit laking gulat niya ng matagpuan doon ang nawawalang sinsing ng Prinsesa. “Isang himala ito!’ laking tuwa ni Datu Mulawin. “Ito kaya ang tugon sa panalangin ko at magandang hangarin sa Prinsesa Taal?.”
Kaya’t ang pangako ng Pinunong Datu ay nangyari.Agad ipinakasal si Prinsesa Taal kay Mulawin. Nagdiwang ang buong balangay.Mayroon sayawan at kantahan.Lahat maligaya sa nangyaring okasyon. Ang pagsasama ng mag-aswa ay nasaksihan ng boung balangay ang magagandang pamamalakad ni Datu Mulawin at masayang masaya si Prinsesa Taal sa piling ng asawa.
Subali’t ang pagsasama ay hindi lagi masaya. Madalas ay may problema ring dumadating na siyang nagiging balakid sa pagsasama.
Isang gabi, Maliwanag ang sikat ng buwan, namasyal ang mag-asawa. Ang gabing iyon ang simula ng gulo sa kanilang pagsasama.
Mayroon isang matandang nuno pala an gang nagmamay-ari ng Lawa ng Bunbon. Matagal niyang sinusubaybayan ang takbo at pangyayari sa palasyo masayang pagsasama ni Datu Mulawin at Prinsesa Taal. Ang matandang nuno pala ay ay naiinggit sa sarap ng buhay sa palasyo at masayang pagsasama ng mag-asawa.
Nang gabi ring iyon ay namangka ang mag-asawa sa lawa. Habang sumasagwan si Datu Mulawin, siya naming kumakanta ang Prinsesa kasabay ang tugtog ng kumintang.
Nang Makita ng Prinsesa ang magandang bulaklak ng lotus, dahil nabighani ito, pilit niyang inabot. Sa kasamaang-palad ang prinsesa ay nahulog at limubog. Bilis naman tinalon ni Datu Mulawin ang asawa upang sagipin. Subalit, kapwa sila lumubog. Lumubog sila dahil sa kapangyarihan ng matandang nuno na binalak silang mapinsala.
Ang mga alipin na nakakita sa pangyayari ay agad ibinalita sa tagaroon. Marami ang nagtangkang sisisrin ang dalawa upang Makita ang bangkay. Ngunit nabigo silang lahat.
Mula noon, may isang pulo ang lumitaw sa gitna ng Lawa Bunbon. Ang tawag nila rito ay Bulkan Taal. Pangalang ibinigay ng Datung pumalit kay Mulawin. Tanda na rin ito para laging maalala si Datu Mulawin at Prinsesa Taal.

Popular Posts

Featured Post

Benefits And Social Privileges Of Senior Citizens